Butuan City, kasalukuyang isinailalim sa Alert Level 2

Mariane Sabas
The Thirteenth Scholars
2 min readNov 25, 2021
PHOTO ATTRIBUTION | Sam Cy

Kasalukuyang pinaiiral sa siyudad ng Butuan ang Alert Level 2 System for COVID-19 Response, alinsunod sa huling bahagi ng implementasyon ng Alert Level System ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) mula Nobyembre 22 hanggang Nobyembre 30.

Base sa Executive Order (EO) No. 55 na inaprubahan ni City Mayor, Engr. Ronnie Vicente C. Lagnada, may mga karagdagang patnubay para sa pagpapatupad ng Alert Level 2 sa lungsod.

Higit sa lahat, pinapayagan na ng Local Goverment Unit (LGU) ng Butuan ang mga kabataang may edad 18 pababa na pumasok sa mga pampublikong establisemento, basta’t may kasamang magulang o guardian.

Binuksan na rin ang mga Kid Amusent Industries na ikinatuwa ng ilang mamamayan ng lungsod, sapagkat nalalapit na rin ang kapaskuhan.

Itinakda ang 12:00 oras ng umaga hanggang 4:00 ng umaga bilang curfew hours at mariin ding ipinagbabawal ang pag-inom sa mga pampublikong lugar, ngunit pinahihintulutan naman kapag nasa loob ng bahay lamang.

Boluntaryo na rin ang pagsuot ng faceshield sa mga pampublikong lugar; ngunit kapag nasa medical o quarantine facilities ay kinakailangang suotin.

Gayunpaman, kahit na kasalukuyang ibinababa ang mga paghihigpit sa lugar, pinaaalahanan pa rin ng LGU ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagsuot ng face mask, pag-obserba ng social-distancing, paghugas ng kamay, at higit sa lahat, pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Kabilang ang Butuan City sa 18 pang mga siyudad na isinailalim din sa Alert Level 2; habang limang lalawigan naman sa Alert Level 3.

Ang sistemang ito ay kapalit ng dating quarantine classification na binubuo ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ (MECQ), general community quarantine (GCQ), at modified GCQ (MGCQ).

--

--