City Veterinarian’s Office, doble-alerto sa African Swine Fever

Charles Andree Dayn B. Parativo
The Thirteenth Scholars
2 min readFeb 21, 2021

Doble ang pagbantay at pag-inspeksyon na isinasagawa ngayon ng Butuan City Veterinarian’s Office sa mga karneng baboy ng naturang lungsod matapos maitala ang panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Eastern Visayas at Misamis Oriental.

Ayon kay Veterinarian Dr. Mancio Danilo Alegado, mas hinigpitan nila ang pagmonitor ng mga karneng baboy at pork frozen products na papasok ng Butuan City.

Dagdag pa ni Alegado, hindi makakapasok ang mga produkto galing sa mga lugar na apektado ng ASF upang mapanatiling swine-free ang lungsod.

Nakiisa rin ang Department of Agriculture — Agusan del Norte sa pag-aksyon, lalo na’t hindi lang ang Butuan City sa buong probinsya ang nasa peligro ng nasabing Swine Fever.

Iminungkahi ng City Veterinarians Office (CVO) na kailangang magpakita ng Food and Drug Administration License to Operate at Product Registration ang mga kompanyang nagdedeliver ng meat products papasok sa lungsod.

Dagdag pa ng CVO, mahalaga rin na may maipakitang Meat Inspection Certificate na galing sa National Meat Inspection Service at Certificate of Meat Inspection kung imported ang mga meat products na ipinapadala.

Giit ng awtoridad, ang lahat ng mga sasakyan ng mga meat products ay isasailalim sa wheel bath upang disimpektahin ito.

Kamakailan lamang ay kinumpirma ng Agriculture officials ng Cagayan de Oro at Eastern Visayas na African Swine Fever ang ikinamatay ng mga baboy sa Barangay Mambuaya at San Simon, Misamis Oriental at sinundan ito ng isa pang kaso sa Leyte at Masbate.

Sa kasalukuyan ay wala pang naitalang kaso ng ASF sa Butuan City at nagsimula na ring higpitan ang pagmonitor sa mga baboy ng Carmen Veterinary Quarantine Station sa Agusan del Norte.

--

--