Di pasisiil

Elmer Jon Mupas
The Thirteenth Scholars
3 min readMar 15, 2022

By: Zelan Espanto

ILLUSTRATION | KEJA MAR KUEHLMANN

Amoy ng pulbura, putok ng mga baril, at naglipanang mga fighter jets — dinig na dinig ang iyak ng mga mamamayan ng Ukraine sa buong Europa. Tiyak na ang bayolente at militaristikong paglunsad ng Russia sa Ukraine ay isang tahasang pag-atake sa buhay, demokrasya, at pag-unlad.

Limang araw matapos magsimula ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine, iilang mga politiko, personalidad, at mamamayang Pilipino ang naghimok na hindi kumiling ang estado. Ang tindig na ito ay hindi lamang nakakapanlumo kun’di tila makasarili.

Unang una, di man pansin, kita, o dama ng karamihan, maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas, ang naapektuhan ng hidwaan. Dahil ang Russia ang pinakamalaking eksporter ng enerhiya, sa pagtagal ng digmaan ay ang patuloy ring pagtaas ng presyo ng gasolina. Ayon kay Professor Teroso, senior economist ng University of Asia and the Pacific, maaaring tumaas ang presyo ng gasolina mula P68 hanggang P77. Mula P59 hanggang P73 na man ang pagtaas sa presyo ng diesel. Aasahan ring tataas ang presyo ng krudo hanggang $120 kada bariles sa darating na linggo. Kasunod na man nito ang pagtaas ng gastos sa transportasyon at iba pang pangangailangan na magreresulta sa pagtaas ng ura ng interes sa mga pangunahing pangangailangan. Direkta itong makakaapekto sa ekonomiya ng bansa at paglago nito — bababa ang kita sa buwis o tax revenue ng estado na magreresulta sa mas mababang bilang at kalidad ng serbisyong pampubliko, mataas na bilang ng kawalan ng trabaho, atbp.

Pangalawa, makakaepekto ang hidwaan sa lokal at pandaigdigang merkado. Bago at matapos ideneklara ni Putin ang atake sa Ukraine, bahagyang bumagsak ng ilang sandali ang stock market sa bansa. Nadarama rin ito sa mas malalang sukat ng ibang bansa, lalong lalo na sa Europa at US.

Tiyak na isang malaking kasinungalian ang ideyang sa pamamagitan ng pagiging niyutral, mapoprotektahan natin ang bansa at ating sariling interes.

Siyempre, maiintindian na man ang kawalang kibo ng mga opisyal ukol sa digmaan sa Europa lalo na’t malapit ang pangulo ng Pilipinas at Russia — Duterte at Putin sa tamang pagkakasunod. Isa pa, bukod sa may iilang OFWs sa bansa sa Ukraine, inaprubahan din ni Pangulong Duterte ang pagbili ng mga kagamitang militar at bakuna kontra Covid-19 mula sa Russia.

Ngunit sa kabila ng mga ito, hindi sapat ang pagiging tahimik lang. Talamak ang mga pag-aalala na ang pagtindig laban sa mga aksyon ng Russia, ay magdudulot sa ating pagkadamay sa hidwaan. Ngunit, kailangang tandaan na bago pa man tayo pumanig, gaya ng ibang bansa, sa simula’t sapul pa lamang, tayo’y lubos nang naaapektuhan. Isa pa, ang pagtawag at pagwasto ng mga kasamaan ng mapang-api ay di nangangahulugan ng digmaan. Bilang mga indibidwal, maaaring magkaloob ng donasyon sa mga pinagkakatiwalaang Non-profit Organizations upang suportahan ang hukbo ng Ukraine o mga refugees nito. Maaari ring makialam at makibahagi ng tama at konkretong impormasyon ukol sa isyu upang magsilbi itong liwanag sa iba. Bilang isang estado, kailangang magpahayag ng pagkontra sa mga bayolenteng aksyon ng Russia, pagsuporta sa Ukraine, at pagtulong sa proseso ng katahimikan sa pamamagitan ng UN at UN resolutions, at paggawa ng balangkas panglegal o legal framework.

Habang iilang Ukrainian at Russian sa kabilang mundo ang nakikipagdigmaan sa ngalan ng awtokrasya at demokrasya, tayo’y nagpapakasasa sa pekeng ulap ng kaginhawaan. Sa ilang libong taon ng kasaysayan ng Pilipinas, kailanma’y hindi nakatulong at naging rason ng pagkapanalo ang kawalang imik laban sa mga mapang-api — pinapalakas lamang nito. Habang pinipili nating tumahimik, ang sangkatauhan, demokrasya’t pag-unlad ay pilit na pinapatahimik rin. Ikaw, mananatili kabang pasisiil?

--

--