Pagpupugay sa Kadakilaan

AKEELAH JOI ZARIA TAPEC
The Thirteenth Scholars
2 min readApr 9, 2024
Graphics by Nathan Reuben Osabel

Lumalaban tayo. Mayroon tayong mga bagay na ipinaglalaban at hindi sinusukuan sapagkat nais natin itong makamit o kaya’y ‘di mawala sa atin, sa kadahilanang napakahalaga nito. Sa katunayan, minsan ito’y napapahalagahan lamang kung nararanasan na ang pagkawala nito.

Ipinaglalaban natin ang ating mga kagustuhan dahil batid nating ito lamang ang nakapagbibigay sa atin ng kaluguran. Wari’y ang paggawa natin ng mga bagay sa pamamagitan ng ating sariling kalooban ay nakapagdadala ng walang kapantay na kasiyahan at kalayaan.

Ni minsan, hindi ba natin ipinagtaka kung paano kinaya ng ibang mga tao ang isakripisyo ang sarili nilang kapakanan? Hindi man labag sa loob, bagkus bukal sa pusong itinaya ang buhay para sa bayan. Isipin nalang natin kung ano ang pakiramdam na makaranas ng paggawa ng mga bagay sa pamamagitan ng kalooban ng ibang tao na hindi natin ninanais. Kakayanin kaya natin ito?

Kamatayan. Isang bagay na hindi pinag-alinlanganan ng ating mga pambansang bayani na harapin para sa mamamayan at sa bayan. Bagaman nakasalalay ang kanilang kapakanan, hindi maiiwasan ang kagitingan na kanilang taglay at ipinakita na hindi malilimutan. Ngayong araw na ito, ika-9 ng Abril 2024, ating ipagbunyi at alalahanin ang kagitingan ng mga ibinuwis na buhay noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ang pagpapahalaga at pakikibaka nila ay isa sa mga marangal at walang kapantay na mga sakripisyo ng mga sundalong Pilipino.

May ipinaglalaban tayo. Ipinaglaban nila tayo. Karapat-dapat naman siguro na atin rin ipaglaban ang kanilang nasimulan sapagkat ang kalayaan ay lagi nating hawak kahit kailan, ngunit hindi natin batid kung kailan ito maaaring mawala at maangkin sa atin. Ika nga nila, napapahalagahan lamang ang isang bagay kung kailan wala na. Hihintayin pa ba nating maranasan ang pagkawala ng ating kalayaan bago natin ito mapahalagahan?

Kaya, atin itong ipagmalaki, ipagpasalamat at ipagbunyi ang kadakilaan at katapangan ng ating mga bayani nang hindi dahil sa kanilang mabuting dulot at kagitingan ay marahil ngayon ay hindi sila nakapagbigay at patuloy na nakapagbibigay ng dakilang pagkakaiba sa pamumuhay ng mga nagdaang henerasyon at sa kasalukuyang panahon.

--

--