PSHS-CRC matagumpay na ginunita ang 2022 National Literature Month

Mariane Sabas
The Thirteenth Scholars
2 min readApr 28, 2022
PHOTO | CARL DJOHN GANGCA

Nagwakas nang matagumpay ang tatlong araw na pagdiwang ng Philippine Science High School-Caraga Region Campus (PSHS-CRC) sa 2022 National Literature Month, na nilahukan ng mga iskolar, guro, at opisyales ng kampus, bilang pag-gunita sa ika-500 taong pagsulat ng pambansang literatura ng mga Pilipino.

Idinaos ng PSHS-CRC, sa pangunguna ng mga guro sa English Unit, ang iba’t-ibang mga aktibidad, kompetisyon at pagpupulong ukol sa usaping pampanitikan.

Sinimulan ang unang araw ng pagdiriwang sa pamamagitan ng “Parade of Literary Characters” kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral at empleyado ng PSHS-CRC ang kanilang angking talento at pagiging malikhain sa pamamagitan ng pagrepresenta ng kanilang mga paboritong panauhin.

Sinundan naman ito ng iba’t-ibang kompetisyon tulad ng Digital Poster Making Contest at DIY Big Books Vlog Competition na sinalihan ng mga iskolar mula grade 7–12.

Sa huling araw ng selebrasyon, nagkaroon ng Regional Writer’s Conference program at pinag-usapan nang maigi ang makabuluhang kahulugan ng kasaysayan at panitikan sa rehiyon ng Caraga.

Ilan sa mga inimbitahang tagapagsalita sa programa ay sina Professor Adelyne M. Costelo-Abrea PhD, Dr. Fernando A. Almeda Jr., Father Joesilo C. Amalla, Mr. Danilo A. Duncano, CPA, at Professor Sonia Rosales-Low, EDD.

Nanindigan sila sa kani-kanilang mga ideya tungkol sa kahalagahan ng literatura sa makabagong panahon at kung paano ito maiuugnay sa kasaysayan.

Naging magandang usapin din ang kanilang mga sagot tungkol sa lumalaganap na fake news sa social media at kung paano maiiba ang “misinformation” sa “disinformation.”

Pormal na nagtapos ang programa pagkatapos ng awarding ceremony para sa mga nagwagi sa mga nasabing kompetisyon.

Alinsunod sa alituntunin ng PSHS System, layunin ng tatlong-araw na programa ang pasiglahin at pahusayin ang pagpapahalaga ng mga iskolar sa panitikan bilang isang kasangkapang pang-edukasyon na magpapaunlad at magpapahusay ng kanilang kakayahang mag-isip ng kritikal tungkol sa iba’t-ibang paksa, lalong-lalo na sa Agham at Teknolohiya.

--

--