PSHS F2F classes guidelines para sa S.Y 2022–2023, inaprubahan na

Mariane Sabas
The Thirteenth Scholars
2 min readJul 19, 2022

Naglabas na ng alintuntunin ang Philippine Science High School (PSHS) System para sa inaasahang pagpapatupad ng In-Person classes sa iba’t-ibang PSHS campus ngayong paparating na School Year 2022–2023.

Inaprubahan ng Philippine Science High School System- Board Of Trustees (PSHS System- BOT) ang Resolution No. 2022–06–47 o “Guidelines on In-Person Classes in PSHS Under Different Health Alert levels” bilang tugon sa pananawagan ng ilang mga iskolar at nang kanilang mga magulang na bumalik na sa face-to-face classes kasabay ng pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Base sa nasabing guideline, kapag nasa ilalim ng Alert Level 0–1 ang campus ay 100% sa kabuuang bilang ng mga estudyante sa bawat baitang ang maaring mag report on-site; habang kalahati naman kapag nasa Alert Level 2; at istriktong remote/online lamang kapag nasa Alert Level 3–4.

Full Schedule rin ang contact hours at lahat ng mga asignatura ang ituturo sa ilalim ng Alert level 0–1 at maiimplementa nang buo ang ALA/SCALE/SIP at iba pang mga aktibidad ng campus.

Sa kabilang banda, kapag nasa ilalim ng Alert level 2 ang campus ay STEM subjects lamang ang maaring ituro o kaya’y lahat ng mga asignatura ngunit mas pinaikli ang tagal, sapagkat “half-day” lamang maaring pumasok ang mga iskolar at istriktong “no contact” at “no sharing of materials” ang ipapatupad sa bawat aktibidad at mga programa.

Para naman sa mga nasa ilalim ng Alert level 3–4, hindi maaring pumasok ang mga iskolar sa campus sapagkat lahat ng mga aktibidad ay sususpendihin at lahat ng mga asignatura ay ituturo lamang online.

Dagdag pa rito, hindi na rin maglalagay ng mga protective/shield barrier sa mga silid-aralan at opsyonal na rin ang social distancing at pagsuot ng facemasks sa mga campus na nasa mababang alert level; ngunit kinakailangan kapag nasa matataas na alert level.

Buong kapasidad din ng dormitoryo ng campus ang maaring gamitin kapag nasa ilalim ng Alert level 0–1, habang kalahati lamang sa kabuuang kapasidad nito kapag nasa Alert level 2.

Wala na ring vaccination requirement kapag ang campus ay nasa ilalim ng Alert level 0, ngunit magsasagawa ng testing sa bawat dalawang linggo para sa mga indibidwal na hindi pa nabakunahan kapag nasa Alert level 1–2.

Gayunpaman, kakailanganin pa rin ang Medical Clearance sa pagpasok sa mga campus sa ilalim ng iba’t-ibang alert levels.

Upang makapaghanda sa inaasahang pagbabalik ng face-to-face classes sa susunod na SY, inilipat ng PSHS- Caraga Region Campus (PSHS-CRC) sa July 29, 2022 ang deadline sa pagpasa ng mga dorm requirements para sa mga mag-aaral na nakatira malayo sa lungsod.

Kaugnay rito, pinapaalahanan ng PSHS-CRC ang kanilang mga iskolar sa paghahanda sa mga kakailanganing kagamitan para sa inaasahang In-Person classes tulad ng school uniforms, school items, at iba pa.

--

--