Conquer From Within

Aeron Gabriel V. Pantig

The Monocle
themonoclepub
2 min readMay 14, 2019

--

Tagisan sa Silid-Aralan

Ang edukasyong hinubog ng kompetisyon ay edukasyong magkukulong sa estudyante sa isang kaisipang hindi maling tapakan ang kapwa kung ang kapalit ay sariling pag-angat.

Pinaiiral sa Adamson University ang sistema kung saan nakabase sa magiging marka o General Weighted Average (GWA) ng mga estudyante ang kabibilangan nilang block o pangkat. Iba sa mga kahanay nitong institusyon kung saan nakadepende ang pagpapangkat ng mga estudyante sa kanilang apelyido o sa araw kung kailan sila nag-enrol.

Ngunit ang sistemang ito ay kadalasang mga hasykul at paaralang pang- elementarya ang gumagamit.

Sa pagtungtong sa kolehiyo, nagkakaroon ng panibagong persepsyon ang isang estudyanteng nalalapit na sa pagtuntong sa tunay na buhay. Ang dating report card na hitik sa 95 ay napapalitan ng mga 75. Kung ang dating isa o dalawang mali sa pagsusulit ay hindi sapat, sa pagtungtong ng kolehiyo ay pasasalamat ang mairaos ang isang semestre. At higit sa lahat, sa kolehiyo mo matututunan ang mga aral na mas mahalaga kaysa sa mga leksyong maririnig sa apat na sulok ng klasrum; ang mga aral na papanday sa isang tao upang sa paglabas niya sa instistusyong kinabibilangan ay maging produktibo at progresibong mamamayan.

Masasabing hindi epektibo ang sistemang mayroon ang pamantasan sapagkat naitatanim sa mga estudyanteng kailangan nilang pagbutihan ang pag-aaral hindi dahil sa pag-aasam ng diploma kung hindi sa kagustuhan na mapunta sa “01”. Imbis na magkaroon ang isang estudyante ng pokus sa pag-aaral ay naitutuon ito sa presyur na kailangang panatilihin ang posisyon sa unang pangkay. Sa antas ng pag-aaral kung saan nais iparanas ang mga leksyon ng buhay ay hindi nararapat na itanim sa isip ng mga kabataan ang pagkakaroon ng kompetisyon, sapagkat kailanma’y hindi uunlad ang isang taong may baong kompetisyon sa kanyang puso na pilit ibababa ang iba maiangat lamang ang sarili niya.

Nawa’y maging totoo ang pamantasan sa isa sa mga misyon nitong patuloy na magpanday ng mga estudyanteng taglay ang talino at abilidad na hinasa ng mga aral at turo ni San Vicente de Paul at hindi ng kompetisyon.

--

--