Buwan ng Wikang Pambansa 2020: Bakit nga ba hirap tayong gamitin ang Filipino?

TomasinoWeb
TomasinoWeb
Published in
4 min readAug 20, 2020
(Litrato mula Shutterstock: Sanggunian )

Taon-taon nating ginugunita ang buwan ng wikang pambansa, ngunit bakit hanggang ngayon mas mahirap para sa atin ang gamitin ang Filipino kaysa sa Ingles?

Ayon sa website ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay nakasentro sa “halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemya”. Kasalukuyang kinikilala ang Filipino bilang wikang pambansa ayon sa Kautusang Tagapagpaganap 134 serye 1937. Ito ay sa kadahilanang mas marami ang may alam at nakagagamit ng wikang Filipino sa bansa. Ngunit bakit habang tumatagal, tila pahirap nang pahirap ang ating paggamit sa wikang sinasabing mas sanay tayong gamitin?

(Litrato mula South China Morning Post: Sanggunian)

Unang dahilan sa ating suliranin ay may kinalaman sa sistema ng ating edukasyon. Bagama’t kasama sa Saligang Batas ng 1987 ang paggamit at pagpapayaman ng wikang Filipino sa bansa, kaakibat nito ang Bilingual Education Policy o BEP na polisiya sa edukasyon. Ayon dito, gagamitin ang Filipino sa mga asignaturang araling panlipunan, musika, sining, at edukasyong pampalakas o mas kilala ngayon bilang MAPEH, ekonomiks, at edukasyon sa pagpapakatao o Values. Ang wikang Ingles naman ang gagamiting wikang panturo sa mga asignaturang English, agham, at matematika.

Kung susuriing mabuti, mas prominente sa kolehiyo ang mga asignaturang may kinalaman sa agham, partikular na sa teknolohiya, at matematika. Mas binibigyang priyoridad din ng pamahalaan ang paglinang sa mga kasanayang ito lalo na sa kasalukuyang panahon. Sa pagtagal din, ang mga asignaturang MAPEH at ekonomiks ay itinuturo na sa wikang Ingles. Isama pa rito ang mga alituntunin sa mga paaralan tulad ng “English-only policy”, at tiyak na maisasantabi ng isang bata ang kalinangan sa wikang Filipino.

Bilang tugon, isinusulong naman ng ibang paaralan kasama ng Kagawaran sa Edukasyon ang MTB-MLE o mother tongue based-multilingual education. Nagnanais ito na pataasin ang porsyento ng mga mag-aaral na marunong sumulat at bumasa gamit ang pagtuturo sa kanilang mga inang wika o mother tongue. Layunin din nitong unti-unting ipakilala sa mga bata ang Filipino at Ingles upang sabay na malinang ang kakayahan nila rito. Kasalukuyang pinag-aaralan pa ng kagawaran ang mga maaari pang pagbutihin kaugnay dito.

(Litrato mula sa Philstar: Sanggunian)

Pangalawang sanhi rin ng ating suliranin sa wika ang paglinang sa Ingles upang magsilbing daan sa pamamasukan sa ibang bansa. Isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na hinahanap ang manggagawang Pilipino sa ibang bansa ay ang ating taglay na kakayahan sa wikang Ingles. Ayon sa tala ng Pangsiwaan sa Estadistika ng Pilipinas, umaabot sa P211 bilyon ang ipinapadalang pera ng mga manggagawa sa ibang bansa noong 2019. Malaki ang ambag nito sa ekonomiya ng bansa kaya naman patuloy na isinusulong sa edukasyon ang paglinang sa paggamit ng Ingles.

Bagama’t malaking tulong ito para sa mga pamilyang umaasa sa padala ng mga mahal sa buhay sa ibang bansa, malaking dagok ito sa paglinang ng mga lokal na industriya sa ating bansa. Nagiging dahilan din ito ng patuloy na paghina sa kasanayan sa paggamit ng mga katutubong wika at ng wikang pambansa.

(Litrato mula sa When In Manila: Sanggunian)

Pangatlong aspektong nakaaapekto sa ating kakayahang gumamit ng wikang Filipino ay ang globalisasyon. Bagama’t mayroong mabuting mga bunga ang globalisasyon, hindi maikakaila na ang agresibong pagtahak sa direksiyong ito ay maaaring magdulot ng pagkamatay sa sarili nating kultura at wika. Halimbawa na lamang ang ating pagkupkop sa kaisipang kanluranin at kamakailan lang ay ang pagpatok ng mga konseptong Koreano tulad ng mga pananamit, musika, palabas, at ang paborito nating samgyupsal.

Nagiging tulay man sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang globalisasyon, hindi natin maikakailang dahil dito ay nakakaligtaan na nating linangin ang sarili nating kultura. Dahil sa pagbibigay natin ng priyoridad sa paghahanda para harapin ang mas lumalawak na mundo, lumalaki na ang puwang pagdating sa kalinangan ng ating kultura. Halimbawa na lamang dito ang mandato ng Komisyon sa Mataas na Edukasyon na gawing opsyonal ang pagtuturo ng kursong Filipino sa kolehiyo upang magbigay-daan sa mga kurso para sa industriyang kinabibilangan ng mga mag-aaral.

Sa kabuuan, ang dahilan sa kung bakit tayo nahihirapang gamitin ang Filipino sa araw-araw ay nakasentro sa kasalukuyang lipunang ating kinabibilangan. Mas binibigyang-halaga sa ating lipunan ang paggamit ng Ingles sapagkat ito ang mas akma sa mga konsepto’t kagawiang sumanib na sa ating kultura sa paglipas ng panahon. Bagama’t maraming binunga ang kasanayan sa Ingles sa pagpapabuti ng bansa lalo na sa mga manggagawa, hindi maikakailang naging sanhi na ito ng paglubog at paghina ng kultura at wika ng bansa.

Bukod sa nabanggit, marami pang aspekto ang nag-aambag sa ating suliranin sa paggamit ng wikang Filipino. Halimbawa na lamang dito ang pabago-bagong klimang politikal sa bansa na nagdadala ng iba’t ibang ideolohiya pagdating sa kultura. Gayunpaman, mahalagang ating tandaan na malaki rin ang gampanin ng kulturang Pilipino sa paghubog sa ating mga pagkatao.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas