Agham, Agham, Paano Kita Maiintindihan?

Scientia
Scientia
Published in
6 min readAug 31, 2020

Lathalain | Norlan Mallari at Francine Pradez

Grapika ni Deitro Dazo

Nagbukas ang taong 2020 sa dalawang balitang kadalasang mababasa lamang sa mga aklat pang-agham — ang pagsabog ng Bulkang Taal at ang pandemya ng COVID-19 — na hanggang ngayo’y may negatibong epekto pa rin sa pamumuhay at kalusugan ng mga Pilipino. Sa patuloy na banta ng sakit at kakapusan sa hanapbuhay, wastong kaalaman ukol dito ay kailangan upang maging handa at maingat.

Ngunit, tila’y nagkakaroon ng suliranin sa pagtanggap ng nasabing kaalaman ang mga Pilipino batay sa mga daing sa post ng balita at press briefing — mga samu’t saring komento ng kagustuhan na ipaliwanag sa wikang Filipino ang mga anunsyong karamiha’y wikang Ingles ang gamit na lalo lamang pinahirap ng teknikal na mga terminong pang-agham sa ibang wika.

Bilang Wikang Pambansa, inaasahan ang paggamit ng wikang Filipino bilang pangunahing gamit sa komunikasyon at pagtuturo, pangalawa lamang ang Ingles. Ngunit sa mga nasabing anunsyo at karagdagang kakulangan ng pagtuturo ng agham sa Filipino, ang ating wika ay napapaligiran ng mga pagdududa kung kaya na nitong harapin ang mga pagsubok ng paggamit nito lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang wikang Filipino, bilang yumayabong at nakatuon sa pagbubuklod ng iba’t ibang wika at kulturang Pilipino, ay hindi lamang handa na sa pagpapaunawa at pagyabong ng siyensiya, kundi pati rin sa pagsulong ng pambansang pagkakaisa dahil sa kaalaman.

Filipino bilang Wika ng Agham

Ang mapagbuklod na katangian ng wikang Filipino ang ipinagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Buwan ng Wika ngayong taon kaakibat ang temang: “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.

Sa paglilinaw ng kanilang tema, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng wika sa pagsusulong ng pagkakaisa at bayanihan. “Ang pagsandig sa wikang sinasalita ng isang pamayanan ay higit na epektibo hindi lámang sa paghahatid ng impormasyon sa bawat mamamayán nitó kundi sa pag-aalis ng tákot o stigma dahil nagagawang pag-usapan ang pandemya sa mga wikang komportable ang mamamayán,” ani ng KWF. Kanilang paghimok: ito ang panahon upang tangkilikin ang Wikang Pambansa at mga katutubong wikang pupukaw sa kaalaman at kalooban ng taumbayan

Kabahagi sa layuning ito si Bb. Eilene Narvaez, propesor ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa UP Diliman, sa pamamagitan ng kanyang inisyatibong #FilipinoDapat kung saan nagpapakalat siya ng mga infographic sa Facebook at Twitter ukol sa COVID-19 at pagpapaliwanag ng mga termino nito sa wikang Filipino gamit ang kanyang salin.

“Nakakita na ako noon ng mga pagtatalo — ano ba yung pagkakaiba ng phreatic, magmatic, at [iba pang klase ng pagsabog ng bulkan],” inaalala ni Narvaez sa panayam. “Kada mayro’ng ira-raise na signal, hindi nila maintindihan ano ba yung threat kasi ang mga tao lalo na ang mga Pinoy, tiwala sila sa nararamdaman nila kung ligtas ba sila o hindi; bibihira ‘yong naiintindihan ‘yong wikang agham,” sabi niya habang inaalala ang nag-udyok sa kanya upang simulan ang programa.

Sa paglaganap ng COVID-19, itinuloy ni Narvaez ang pagsasalin ng mga terminong kaugnay sa pandemyang ito na kanyang nalilista tulad ng “social distancing,” “carrier,” at “virus.” Sinusuri niya ang pagbuo sa mga impormasyong inilalabas na infographic ayon sa konteksto ng paggamit ng mga salita sa pang-araw-araw at kung mayroon itong direktang salin sa ating wika. Ihinalimbawa niya ang pagsasalin ng katagang “social distancing.” Marami raw itong posibleng katumbas sa wikang Filipino, kabilang na ang “distansyang sosyal,” “ligtas na agwat,” at “isang metrong agwat sa isa’t isa.” Depende na lamang sa gagamit kung literal o konotasyon na salin ang gagamitin. Maliban pa sa pag-post ng mga salin sa social media, nagtuturo rin siya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang usigin silang gamitin ang wikang Filipino.

Habang ito’y nagagamit ngayong pandemya, hindi naman itinanggi ni Narvaez ang mga problema ng pagsalin ng mga terminolohiyang pang-agham. Ilan sa mga suliraning kanyang binanggit ay ang kasanayan at preperensya natin sa Ingles dahil sa kolonyalismo, pag-iral ng agwat-panlipunan sa pagkakaiba ng mga tao sa katatasan sa Ingles at Filipino, pangangailangan ng pagka-dalubhasa at pondo sa pagyabong ng pagsasalin ng mga salitang agham, at isyung pulitikal kung ito’y tatanggapin ng mga paaralan sa pagtuturo — mga salik na umiikot sa pagtingin ng Pilipino sa wika.

Pagtuturo ng Agham sa Filipino

Matapos makita sa Reyno Unido ang mga kaklaseng may kanya-kanyang kasarinlan ng agham sa kanilang wika, naging layunin na ni G. Fortunato Sevilla III, propesor ng Kimika (Chemistry) sa Pamantasan ng Santo Tomas (UST), ang pagsasa-Filipino ng agham sa pagtuturo. Bilang aktibong tagapagsulong ng agham sa wikang Filipino, inilunsad din niya ang Pambansang Kumperensiyang Pang-agham, isang pagtitipon-presentasyon ng mga siyentipikong akda sa wikang Filipino.

Sa isang panayam sa Hasaan, ang taunang peryodiko ng Departamento ng Filipino ng UST, inilarawan niya ang kanyang mga klase. “Nang ginamit ko ang Filipino sa pagtuturo ng Kemistri, naging mabilis ang pagkakaunawa ng mga estudyante sa mga konsepto at batas na sakop ng sabjek na Kemistri. Nakapokus sila sa pag-unawa ng mga konsepto at teorya.”

Pansin din ni Sevilla, “hindi kailangan ang pagsalin mula sa Ingles tungo sa wikang pamilyar sa kanila. Mas madali ang dating sa kanila ng paliwanag kapag Filipino ang nadidinig nila kaysa sa Ingles.“ Tangi dito, naging mas interaktib din daw ang klase dahil sa kalayaan sa pagpapahayag ng mga tanong at kuro-kuro ukol sa paksa.

Naniniwala si Sevilla sa pag-usbong ng pagtuturo ng agham sa wikang Filipino sa pamamagitan ng kolaborasyon ng KWF at mga siyentipiko, pagpapadami ng espesyalista sa wikang Filipino at aktibong pananaliksik sa wikang pambansa, pagpapalawig ng paggamit nito sa mga klaseng nasa General Education, at masigasig na pagkampeon ng KWF sa layuning ito.

“Kung noon ay sinasabing pang-maid o pang-masa lamang ang Filipino, ngayon ay hindi na. Sa katunayan, tanggap na tanggap na ito ng mga kabataan sa kasalukuyan. Maging sa mga miting nga namin sa DOST at CHED ay ginagamit na rin ang Filipino bilang midyum ng talakayan. Sa midya, laganap na rin ang paggamit ng Filipino. At,” pag-uusig ni Sevilla, “kung patuloy na susuportahan ito ng pamahalaan ng Pilipinas ay tiyak na mamamayagpag ang Filipino,” kanyang pagpukaw.

Kahandaan ng Saliksik na Agham sa Filipino

Magandang adbokasiya para sa agham sa wikang Filipino ang pakikiisa ng Philippine Council for Health Research and Development, ang pangunahing lupon sa Pilipinas ukol sa agham pangkalusugan, sa Buwan ng Wika noong 2018 para ikampanya ang pagtangkilik sa mga pag-aaral na inilimbag sa Filipino.

Ilan sa mga pag-aaral na itinampok dito ay ang “Ang sampung pangunahing sakit ng mga Filipino,” “Parmakolohiya sa komunidad: Mga ipinagbibiling gamot sa mga sari-sari store sa ilang barangay sa isang bayan sa timog Luzon,” at “Parmakolohiya sa komunidad: Mga nakatagong gamot sa mga bahay sa Barangay Bungo, Gapan, Nueva Ecija” — mga pag-aaral na madaling mababasa sa Herdin.ph, ang pambansang database ng mga pag-aaral ukol sa kalusugan.

Kasama sa kampanyang ito ang artikulong nagbabahagi ng sampung salitang medikal na may direktang salin sa wikang Filipino kabilang ang mga terminong tuberculosis (Iti, daragis, balaod), plasma (kaphay), cell (sihay), nosebleed (balinguyngoy), at iba pa.

Sinubukan lalo ni G. Feorillo Demeterio III, propesor ng Departamento ng Filipino sa Pamantasang De La Salle, ang kahandaan ng wikang Filipino sa saliksik sa pamamagitan ng pagsasa-Filipino ng teorya ni Albert Einstein na “Teorya ng Relatividad.”

Napatunayan ni Demeterio sa kanyang papel na “Ang mga Teorya ng Relatividad ni Albert Einstein: Isang Pagsusuri sa Kahandaan ng Wikang Filipino sa Pagtalakay sa mga Paksa ng Makabagong Agham” ang kahusayan ng Filipino sa pagpapaliwanag ng siyentipikong mga ideya tulad nito. Nakita niya ang kakulangan sa buong pagsalin sa Filipino, ngunit binigyang-diin niyang hindi ito balakid.

“Sa tanong na kung kaya at handa na ba ang wikang Filipino na sumabak sa pagtuturo ng agham, sa personal ko na pananaw, malinaw na kaya at handa na ang ating wika sa gawaing ito,” aniya.

Tustos pa niya, “Kapag wikang Filipino na ang ginagamit natin, hindi lamang tatatag ang pang-agham na kaalaman at kahusayan ng ating mga mag-aaral, dadaloy na rin ito at magpapalakas sa ating kulturang popular.”

Maka-Filipino ang agham, maka-agham ang Filipino

Sa propesyunal na kaalaman at karanasan ng mga nasabing eksperto sa agham at wika, hindi maitatanggi ang kakayahan ng wikang Filipino na magpabatid at magpalago ng larangan ng agham pangkalikasan sa Pilipino. Bagaman hindi maitatanggi ang lawak ng puwang nito sa pagpapabuti, hindi rin maitatanggi ang potensyal nito upang maging maka-Pilipino ang agham sa pag-unawa ng bawat Pilipino. Hanggang maging tulad ng paggamit natin ngayon ng Ingles sa agham ang wikang Filipino, mayroon at mayroon pa itong maibubuti.

Sa patuloy na pagyabong nito bilang isang wikang nagpapaunlak sa agham maging para sa ordinaryong Pilipino, makapangyarihan ang naidudulot nitong pagkakaisa dahil yumayari ito ng sambayanang kayang tumugon nang naaayon sa sitwasyon at may iisang layunin: mapabuti ang bansa. Dahil dito, ang lubos na pagsasa-Filipino ng agham ay isang dakilang pambansang layunin.

Sa ating pagbuo ng mga Pilipinong edukado sa siyensiya (science literate), masisiguro nating ang agham ay maipapabatid at maiintindihan sa wikang Filipino.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.