Dapat tayong maghanda hindi lang para sa mga super typhoon

Scientia
Scientia
Published in
4 min readNov 13, 2020

--

Opinyon | Rio Constantino
Salin ni: Kyla Carmea Javier

Grapika ni Jon Bonifacio

May mas lalala pa ba sa isang super typhoon? Isang katakatakang katanungan sa isang bansang sinasalanta ng mga bagyong nilulunod ang mga palayan at ginagawang ilog ang mga kalsada. Ngunit mas pagtuunan mo ng pansin ang tahimik at mabagal na pag-iral ng mga epekto ng climate change: ang sakunang hindi namamalayan ng iba.

Hindi agarang batid ang dahan-dahang pagsulong ng climate change. Sa paglipas ng mga dekada, patuloy na naiipon ang greenhouse gases sa atmospera na siyang nagpapataas ng pandaigdigang temperatura. Ang mga epekto nito ay nananatili, nadadagdagan, at nagpapatong-patong sa paglipas ng mga taon at mga dekada habang sinisira nang walang nakakapansin ang mga pangunahing pangangailangan ng buhay.

Tumaas nang humigit kumulang 0.23°C sa bawat dekada magmula 1981 ang temperatura sa ibabaw ng mga karagatan sa Kanlurang Pasipiko. Sa unang tingin, hindi naman masyadong labis, hanggang sa mabatid mo na maliit lamang ang saklaw ng temperatura, mula 23°C hanggang 29°C, kung saan nabubuhay ang mga coral reef. Sa labas ng saklaw ng mga temperaturang ito, sasailalim ang mga coral reef sa bleaching makalipas lamang ang apat na linggo (Cruz, et. al, 2017). Pagdating ng 2050, inaasahang mawawala na ang 90 porsiyento ng mga coral reef sa mundo (Abuyuan, 2014).

Marahil hindi nakapipinsala ang pagtaas ng lebel ng dagat. Milimetro lamang ang pagtaas dahil sa pagkaipon ng tubig mula sa mga natunaw na glacier. Ngunit, para sa isang bansang arkipelago, may panganib itong dala. Tatlong beses na mas mahigit ang pagtaas ng sea level sa mga karagatan ng Pilipinas kaysa sa pandaigdigang lebel. Sapat ito upang malagay sa panganib ang 167,000 hektarya ng mga baybayin sa bansa (IDRC, 2015). Limampu’t-isang porsiyento ng mga coastal wetlands ang maaaring mawala pagdating ng 2100. At sa paglapit ng dagat, ikasasama ng kalupaan at tubig-tabang ang paghalo ng asin mula sa mga katubigang ito.

Mas nakakaalarma ang mga pagbabago sa precipitation patterns. Mas titindi ang panahon ng tagtuyot at mas magiging maulan ang panahon ng tag-ulan. Pagdating ng 2099, inaasahan ang 10 porsiyentong dagdag sa pag-ulan, karamihan bilang biglaang malakas na pag-ulan. Sa kabila nito, ang mga tagtuyot na buhat ng El Niño ay inaasahang magiging mas malala at mas mahaba.

Isa itong dahan-dahang sakuna. Pagdating ng 2050, inaasahang makararanas ng kakulangan sa tubig ang 981 milyong tao sa timog silangang Asya. Sa parehong taon, maaaring magkulang ng ilang libong litro ang suplay ng Angat Dam. Magkasama ang paghina ng pag-aani at pagbaba ng pangingisda. May sampung porsiyentong pagbaba sa ani ng butil at palay sa bawat 1°C na pagtaas ng minimum temperature sa mundo. Inaasahang bababa ang bilang ng mga isda dahil sa pagkasira ng kanilang tirahan sa mga karagatan (Cruz et. al., 2017). Ang kakulangan sa pagkain ang magiging pinakamalaking krisis ng hinaharap.

Hindi sapat ang atensyon na nakatuon sa mga nabanggit na problema. Mahirap nga namang maunawaan ang mga pangyayaring sa hinaharap pa lamang magaganap. Pansinin niyo ang mga petsa. “Pagdating ng 2050…,” “Pagdating ng 2100…” Sinusukat ang panahon gamit ang mga dekada. Hindi lamang ang mabagal na pagsulong nito ang problema, kundi pati ang pagiging malamlam nito. Walang sakunang nambubulabog. Walang trahedyang pumapatay. Pag-ulan lamang na unti-unting nababawasan ng milimetro sa bawat taon hanggang sa wala na tayong maiinom.

Mas malakas umagaw ng pansin ang kalamidad. Naibabalita ang mga bagyo ilang araw bago dumating. Pagkatapos nila dumaan, susunod ang walang tigil na daloy ng mga balita: mga buhay na nawala, mga kabahayang inanod ng baha, mga pananim at kabuhayang nasira. Magkakaroon ng bugso ng mga nais tumulong upang makakalap ng mga donasyon o kahit ano pa man para sa mga biktima ng kalamidad.

Paano naman ang mga problemang hindi agaw-pansin ngunit nangangailangan din ng agarang pansin? Makakukuha ba sila ng parehong atensyon? Ang mga botante, marahil ay hindi. Wala naman kasing titingnan. Matinding tagtuyot, siguro. Flash floods, baka. Ngunit ang baybayin na umuurong nang ilang pulgada sa bawat taong lumilipas? Mahirap itong mapansin, at dahil dito, mahirap din itong mapondohan. Mayroon lamang apat na tide stations na saklaw ng Global Sea Level Observing System sa Pilipinas, kahit na isa ang ating bansa sa mga pinakaapektado sa mundo (Abuyuan, 2014).

Para sa mga siyentista, doble ang pagtugon sa problema ng klima. Kailangan nilang bumuo ng mga pagtataya ukol sa hinaharap. Ayon kay Lourdes Tibig, isa sa mga nangungunang kontributor sa Intergovernmental Panel on Climate Change Fifth Assessment Report, kinakailangan ng datos mula sa mahigit kumulang 30 taon upang makabuo ng isang modelong wastong makapagtataya ng mga epekto ng climate change.

Subalit nararapat na lumabas sa laboratoryo ang agham upang magkaroon ito ng halaga. Responsibilidad din ng mga siyentista na ipaglaban ang karapatan ng mga pinakananganganib sa climate change, na kadalasan ay ang mga komunidad na naisasantabi lamang ng lipunan. Nararapat ding siguruhin ng mga siyentista na ang kanilang mga pag-aaral ay alam at binibigyang aksyon ng lipunan. Ano nga naman ang saysay ng isang babala kung wala namang nakikinig o pumapansin? Hindi sapat ang datos lamang sa saklaw ng krisis na ito. Kaakibat ng mga mapanuring pananaliksik, kailangang magsimula na ang aksyong pangklima ngayon, at kung hindi ay haharapin natin ang kahihinatnan nito sa mga susunod na henerasyong parating.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.