Duwag sa Debate, Duwag sa Pananagutan

Scientia
Scientia
Published in
5 min readApr 21, 2022

Editorial

Cartoon by Hanz Salvacion

Matapos na opisyal na ihayag ni Sara Duterte-Carpio, alkalde ng Davao City at kandidato para sa pagka-bise presidente, na itutuloy niya ang kanyang kampanya nang hindi sumisipot sa anumang vice presidential debates, hindi muli sumipot ang kanyang katambal sa halalan na si Bongbong Marcos sa debateng inilunsad mismo ng COMELEC noong Marso 19 at noong April 3. Hindi lamang ito repleksyon ng kanilang kaduwagang harapin ang masa at sagutin ang mga kasinungalingang pinalaganap mismo ng kanilang mga makinarya, kundi isa rin itong patunay na sa likod ng tila mabangong pangako ng “pagkakaisa,” umaalingasaw ang kanilang maruruming intensyong pagbuklurin at panatilihin ang kapangyarihan ng kanilang mga pasistang pamilya.

Balikan natin ang ilan sa mga palusot ng tambalang Marcos-Duterte sa kanilang hindi pagsali sa mga debate. Para kay Marcos Jr., mas gugustuhin na lamang niyang mangampanya kaysa sa ulitin ang kanyang mga sagot sa mga debate. Ani niya, 35 na taon na niyang sinasagot ang mga tanong tungkol sa malupit na rehimeng pinamunuan ng kanyang diktador na ama, at oras na para ituon natin ang ating atensyon sa kasalukuyan at kinabukasan ng mga Pilipino. Sinabi niya ito matapos hingin ng kanyang kampo mula sa COMELEC ang magiging format ng magiging debate. Personal na dahilan naman ang hinaing ni Duterte sa hindi pagdalo sa mga debate na siya namang hindi pa ipinapaliwanag ng kanyang kampo. Dagdag ni Duterte, iiwan na niya sa mga botante ang desisyon kung sino ang ihahalal na bise-presidente.

Sa kabila ng kanilang tahasang pagtanggi sa mga presidential at vice presidential forums, may dinaluhan naman silang mga debate. Ngunit sa ilalim ito ng estasyong pagmamay-ari mismo ng isa sa mga sumusuporta sa kanilang tambalan. Sa katunayan, tanging ang debateng inorganisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) lamang ang pinaunlakan ni Marcos Jr. Pinamumunuan ang SMNI ni Pastor Apollo Quiboloy na hayagang sumusuporta sa tambalan nila ni Duterte. Matatandaan ding nahaharap siya sa kasong sex trafficking sa US.

Ipinapahiwatig lamang ng kanilang patuloy na pag-iwas sa mga debate na hindi lamang sila mga duwag sa hindi pagharap sa taumbayan upang panindigan ang kanilang pagtakbo para sa bayan, sila rin walang respeto sa masa sapagkat pinagkakait nila ang ating karapatang makaalam lalo na’t sila ay bahagi ng mga pasista at korap na pamilyang lumumpo sa ating bansa. Itinatampok din ng mga debate ang kanilang mga plataporma at ang kanilang mga katayuan sa mga isyung kinakaharap ng bansa. Kaya naman sa hindi pagsipot nina Marcos Jr. at Duterte sa mga debate, iniiwan nila ang masa sa dilim: walang kongkretong planong maihahandog ang kanilang tambalan para sa mga Pilipino.

Sa halip na mga kongkretong plano at plataporma, patuloy na iginigiit ng tambalang Marcos-Duterte ang mensahe ng pagkakaisa sa kanilang kampanya. Sa ilalim ng pangalang UniTeam, pinagbuklod nina Marcos Jr. at Duterte ang ilan sa kanilang mga kaalyado sa pulitikang may kasaysayan ng korapsyon at pang-aatake sa midya at mga progresibo. Sa unang tingin, tila positibo at puno ng pag-asa ang kanilang mensahe para sa masang Pilipino. Ngunit kung mga kriminal at kunsintidor ng krimen lamang ang kaya nilang pag-isahin, ang UniTeam ay pagkakaisa lamang upang pagkaisahan ang mga naghihirap na Pilipino. Ang pagkakaisa ng tambalang Marcos-Duterte upang makamit muli ang kapangyarihan sa nalalapit na halalan ay magdudulot lamang muli ng panganib sa ating kalayaan at demokrasya.

Bilang alternatibo sa kanilang hindi pagdalo sa mga debate, tinatambalan nina Marcos Jr. at Duterte ng kasinungalingan ang kanilang kampanya. Bukod sa patuloy na paglaganap ng kanilang makinarya ng misimpormasyon sa pamamagitan ng fake news, inaatake rin ng kanilang mga kaalyado sa pulitika ang mga sumusuporta sa ibang mga kandidato sa eleksyon. Isa na rito ang panre-redtag at pagtawag ni Cavite Representative Boying Remulla na “bayaran” ang mga dumalo sa Grand Rally sa Cavite para sa kampanya ng tambalan ni Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan. Ang patuloy na pagpapalaganap ng fake news at pang-aatake ng alyansang Marcos-Duterte ay ilan lamang sa mga patunay ng kanilang pangmamaliit sa karapatan ng mga Pilipinong makaalam at kakayahang makapag-isip at maging kritikal.

Kaya naman ngayong nalalapit na ang halalan, maging mas mapagmatiyag tayo sa pagkilatis sa mga kumakandidato ngayong eleksyon. Bukod sa pagsubaybay sa mga debate, balikan natin ang kasaysayan at saliksikin ang kanilang track record mula sa mga mapagkakatiwalaang mga sanggunian. Matuto rin tayong magsiyasat ng impormasyon sa pamamagitan ng pagfa-fact check lalo na’t laganap ang misimpormasyon sa social media. Suriin ang kanilang mga plataporma at pag-isipang mabuti kung ano-anong mga plano ba talaga ang para sa interes ng bayan. Kasama sa pagsusuring ito ang pagtanto na hindi kailanman sasapat ang mensahe ng pagakakaisa nina Marcos Jr. at Duterte upang pagtakpan ang madugong kasaysayan ng Martial Law at War on Drugs sa bansa. Bukod dito, ang kanilang hindi pagsipot sa mga debate ay nagpapahiwatig ng kanilang kawalan ng pananagutan sa kasalanan ng mga administrasyong pinamunuan ng kanilang mga pamilya: kung hindi nila mismo maharap ang masa upang panagutan ang kanilang mga krimen at pagkukulang sa bansa, paano nila haharapin ang mga malalaking suliraning mismong pamilya nila ang may sala?

Minsan lamang tayo makahahalal ng ating mga susunod na lider ng bansa, kaya mahalaga para sa atin ang panonood at pagsusuri sa mga debate at interbyu ng mga kandidato dahil dito itinatampok hindi lamang ang kanilang plataporma para sa bansa, kundi maging ang kanilang posisyon sa mga isyung hinaharap ng bayan. Pagkakataon ang mga debate upang makilatis natin ang mga kandidato base sa kakayahan nilang maglingkod para sa bansa. Paraan din ang mga debate upang matunghayan natin kung sino ang may paninindigan upang maisulong ang ating mga karapatan at pangangailangan. Kaya naman ang hindi pagdalo sa mga debate ay maaaring maging repleksyon ng uri ng pamumunong mananaig kung sakaling sila ay ihalal: isang pamumunong walang pananagutan at hindi nagpapakita sa mga pinakamahihirap na suliranin ng bayan, at isang administrasyong walang maihahandog para sa interes ng masa.

Mahaba pa ang panahon ng kampanya at igugol natin ito sa patuloy na pagkilatis sa mga kandidato ngayong eleksyon lalo na sa tambalang Marcos-Duterte sa ilalim ng UniTeam. Ngayon pa lamang pinapakita na nila ang kanilang pagkainutil sa hindi pagdalo sa mga debate, kaya naman biguin natin ang kanilang adhikaing makabalik sa posisyon at kapangyarihan bilang unang hakbang upang tuluyang manaig ang katotohanan at mabura ang kasinungalingang kanilang pinapalaganap.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.