Itaguyod ang karapatan sa malayang pamamahayag

Scientia
Scientia
Published in
3 min readFeb 21, 2022

Editorial

Cartoon by MC Perez

Sinimulan na ng mga kandidato ang pangangampanya noong Pebrero 8 para sa nalalapit na #Halalan2022. Kaakibat nito ang patuloy na pakikibaka ng mga mamamahayag upang maihatid ang katotohanan sa masa. Ang paparating na eleksyon ay lubhang makabuluhan sapagkat inuusig tayo nito upang tumindig kasama ng mga peryodista sa pagtataguyod ng ating karapatan sa malaya at makamasang pamamahayag. Kagyat ang pangangailangang hinihingi ng mga panahong ito dahil nananatili pa rin ang bantang dala ng mga tulad nina Marcos at Duterte sa kanilang pagtatangkang makabalik sa pwesto. Marapat lamang na tuligsain natin ang kanilang makinarya ng misimpormasyon na patuloy na tumutuligsa sa ating karapatang mamahayag at makaalam.

Hindi na bago sa administrasyong Duterte ang pang-aatake sa midya. Kasabay ng pagpapasara ng ABS-CBN, nagpatuloy ang pagkitil sa mga buhay ng mga mamamahayag bilang isang tangka sa pagbubusabos ng ating boses at pagyurak sa ating kalayaang mamahayag. Isa si Jess Malabanan sa mga mamamahayag na namatay sa ilalim ng pasistang rehimen. Kilala sa kanyang pagbabalita tungkol sa war on drugs ni Duterte, si Malabanan ang pinakabago at ang ika-22 na mamamahayag na namatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Isa lamang ito sa napakaraming manipestasyon na patuloy na nagiging delikado para sa mga mamamahayag — at para sa masang kanilang pinaglilingkuran — ang paghahari ng isang pasistang tulad ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa gobyerno.

Sa pagtakbo ng anak ni Duterte na si Sara Duterte-Carpio sa pagkabise presidente, ang pagtangkilik sa kanya ay ang pagtangkilik sa patuloy na pang-aabuso ng rehimen sa midya. Katulad ng kanyang tatay, ineendorso at binibigyang kapangyarihan ni Sara Duterte ang mga dati nang magnanakaw ng kaban ng bayan sa layong makabalik sa pwesto at mapanatili ang kapangyarihan sa isang pasistang rehimeng pinatatakbo ng fake news.

Hindi naman nagkakalayo ang estilo ng administrasyong Duterte sa makinarya ng pamilya Marcos sa pang-aatake nito sa midya. Noong panahon ng Martial Law, maraming mga broadcasting station ang pinasara at napasailalim sa kontrol ng militar. Pinatahimik din ang midya at kritisismo sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Dinakip ng estado ang ating mga mamamahayag at pinapayagan lamang ang mga midyang kontrolado ng kanyang rehimen. Ilan lamang ito sa mga tangka ng rehimeng Marcos na busalan ang ating karapatan sa malayang pamamahayag na hindi maikakailang nararanasan pa rin ngayon ng ating mga mamamahayag.

Ngayong eleksyon, nasasaksihan natin kung paano tayo tahasang niloloko ng pamilya Marcos sa pamamagitan ng fake news. Gamit ang social media, unti-unting binubura ng pamilya Marcos ang katotohanan sa likod ng mga abuso, korapsyon, at pagpapatahimik sa midya noong Martial law. Isang direktang atake hindi lamang sa mga mamamahayag kundi na rin sa bawat Pilipino ang pagkikibit-balikat ni Marcos Jr. sa mga nagawang kasalanan ng kanyang pamilya sa bansa.

Higit pa rito, tinawag ni Marcos Jr. na biased against the Marcoses” si Jessica Soho matapos itong tumanggi sa presidential interview ng mamamahayag. Dagdag pa rito, tinuturing ni Marcos Jr. na biased” ang mga “anti-Marcos” na midya, isa na namang atake sa mga mamamahayag na nagbabalita lamang ng katotohanan para sa masa. Ang mga agresyong ito laban sa ating mga mamamahayag ay patunay ng patuloy na pagsisinungaling ni Marcos Jr. at ng kanyang pamilya upang pagtakpan ang katotohanan at burahin ang malupit na kasaysayan ng Martial law.

Kaya naman ngayong panahon ng kampanya para sa eleksyon, maging mas mapagmatyag tayo sa mga hakbang ng alyansang Marcos-Duterte upang baliktarin ang katotohanan at atakihin ang ating karapatan sa malaya at makamasang pamamahayag. Tumindig tayo sa mga mamamahayag at masa, at pangalagaan natin ang ating karapatang malaman ang katotohanan. Tumindig tayo para sa mga biktima ng Martial law, para sa mga biktima ng extra-judicial killings at ng drug war, at para sa mga nakaranas ng pang-aabuso ng parehong pasistang rehimen nang hindi makalimutan ang kanilang mga kwento at sakripisyo upang matamasa ang ating kalayaan.

Huwag na nating hayaang ipagpatuloy nina Marcos at Duterte ang kanilang rehimeng nagbubusal sa bibig ng ating mga mamamahayag. Biguin natin ang kanilang alyansa upang magwakas ang kanilang makinaryang nagbibigay kapangyarihan sa mga kasinungalingang bumubura sa ating kasaysayan. Magkaisa tayo sa pagtuligsa sa kanilang pamumuno sa bansa tungo sa malaya at makatotohanang pamamahayag, sapagkat karapatan ng midya ang ipahayag ang katotohanan at nararapat lamang para sa masa ang maging mulat sa katotohanan.

#NoToMarcosDuterte2022

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.