Ma, Pa, Paano Ako Ginawa?

Scientia
Scientia
Published in
5 min readDec 10, 2020

Opinyon | Reign Bañares

Dibuho ni MC

Likas na matanong ang mga bata. Tila ba punong-puno ng bighani ang kanilang mga mata sa bagong mundong natututunan pa lamang nilang tuklasin. Kaya naman sa mga magulang, isang tinik ang tanong na “paano ako ginawa?” o “paano ako naging tao?” kung saan ang ensayadong sagot ay “gawa ka sa pagmamahal ng magulang mo”.

Bilang indibidwal na nasa hanay ng agham, maraming simple at angkop na paliwanag para rito. Madaling maintindihan mula sa mga libro na nabubuo ang isang tao mula sa pagkikita ng semilya at egg cell ng mga magulang sa pakikipagtalik, o kaya naman sa mga makabagong paraan tulad ng in-vitro fertilization.

Madaling mahanap ang mga sagot na ito sa loob ng silid-aklatan o laboratoryo. Sa oras na sumakay ako ng jeep, makita ang mga mala-paskong lansangan buhat ng trapiko, mga barung-barong na lunod sa baha dahil sa malakas na ulan, at mga hubo’t hubad na pulubi sa lansangan, napapatanong ako: ito ba ang tao? Ganito ba dapat ang tao?

Sapat na bang isilang upang masabing tao tayo? Paano ko nga bang masasabing tao ako sa tinubuang lupa na mas masahol pa ang turing sa iniluwal na masang Pilipino kaysa kahit na anong mabangis na hayop?

Dito sa tinubuang lupa, may hindi matapos-tapos na listahan ng mga kwentong mag-aalok sa atin ng perspektibong pipilitin tayong wariin kung ano nga ba talaga ang ginawang tao.

May kwento ang mga batang buto’t balat sa Negros na, dahil salat na salat sa makakain, ay inilibing ng mga magulang sa lupaing nag-uumapaw sa tubo. Sa isa pang lugar na biniyayaan rin ng tubo, may kwento ang hanay ng mga magsasakang pinaulanan ng tear gas at bala dahil sa pag-oorganisa nila sa gate ng Hacienda sa Tarlac.

Mas nakaririmarim ang mga lagim sa kalungsuran, kung saan ang mga piitan ay nag-uumapaw sa dami ng mga kriminal dahil sa “war on drugs” kuno. Sa loob ng mga rehas, naghahati sa iisang kubeta ang 130 na tao. Marami nang nababaliw dahil kaunting galaw lang ay may tao o pader nang matatamaan. Hindi pa ito sapat, pati singit ng mga aparador ay gagawing kulungan. Pipilitin ang 12 na taong basta na lamang dinakip, na umihi lamang sa isang boteng plastik habang nananatili sa maliit at madilim na tinatagong sulok.

Sa lupang tinubuan, bintana ang mga radyo at telebisyon upang masaksihan ang impyerno sa daigdig. Wala bang lumalaban? Wala bang nagsisiwalat sa lahat ng kahayupang ito?

Kung pwede lang sana nating tanungin ang mga bangkay ng mga mamahayag habang iniipit at sinasakay sila ng backhoe ng mga Ampatuan papunta sa kanilang huling hantungan: mga hukay na nauna nang hinanda para maging mass grave. Dahil hindi na sila makapagsusulat o makapagbabalita kailanman, baka pwede nating tanungin ang mahal nila sa buhay. Ano kayang sasabihin ni Boyet, teenager na anak ng bumalikwas na tuta ni Marcos na si Primitivo Mijares, habang siya’y tinatanggalan ng kuko at 33 beses na sinaksak ng ice pick sa harap ng nadakip na ama?

Nakaburda ang katagang “serve and protect” sa kapulisan na nagpapakita lamang ng pangil sa mga masang dapat pinagsisilbihan. Walang pakundangan nilang sasagasaan ang mga mapayapang nagproprotesta gamit ang pinagmamayabang na L300. Kibit-balikat lang din habang kinakaladkad ang 17-taong gulang na binata habang umiiyak ng “tama na po, may test pa ‘ko bukas”. Nabanggit ko na ba na magagaling na eco warriors din sila sa dami ng tinatanim? Basta ba’t bala o droga, para sa matamis na bunga ng “kickback.

Nakakapangiwi ang mga kwentong ito dahil may kamalayan tayong “tao” ang mga biktima sa malalagim na naratibo. At bilang tao, may dignidad tayo na hindi tratuhing hayop ang isa’t isa. Anumang kulay ng balat, lahi, kasarian, relihiyon, o katayuan sa buhay, ang dignidad na ito ang dahilan upang mamuhay tayo na may karapatan para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng makakain, ligtas na tahanan, edukasyon, malayang pananalita, at iba pa.

Tinatag ng mga kanluraning bansa noong 1948 ang tinatawag na UN Declaration of Human Rights (UNDHR) upang kilalanin at mapangalagaan ang dignidad ng tao matapos maranasan ang lagim ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ay deklarasyon lamang, hindi batas na may kaukulang kaparusahan kapag hindi sinunod, madaling naisasantabi ng mga namumunong gahaman sa kapangyarihan.

Kaya paano dito sa lupang tinubuan, sa isang maliit na bansa sa timog-kanluran na halos burahin na sa mapa ng mga naglalakasang bagyo at umaapaw sa mga mamamayang pagal ang dugo at kaluluwa para lamang makamit ang pangunahing pangangailangan?

Sinabi na rin mismo ng UNDHR na karapatan nating maging malaya sa pang-aalipin, ngunit nilulunok ng mga kababayan at kaibigan ang mga trabahong walang overtime pay o karampatang benepisyo sa mga call center para lang may mahain sa pamilya. Nauubos na rin ang mga Tito at Tita para lumipad sa ibang bansa at manilbihan bilang waiter, caregiver, welder, o kung ano pa man para mas makamura sa labor ang mga naglalakihang kumpanyang Kanluranin. Laos na ang pang-aalipin, ang in ngayon ay ang newly-revamped “Business Process Outsourcing” o kaya naman “OFW”. Hindi naman nagbago ang pasahe para makapunta sa destinasyong ito: ang pag-aalay at pagsasakripisyo ng kaluluwang Pilipino.

Kung ako ang tinanong ng bata, isang gasgas na sawikain ang unang papasok sa ulo: “madaling maging tao, mahirap magpakatao”.

Ito ang sawikain na nagtataglay ng karunungan ng simpleng katutubong Pilipino tungkol sa pagkakalikha ng tao. Ito ang karunungan mula sa mga nagtitiis sa barung-barong sa mga gilid ng estero habang nag-aantay ng line up sa agency at mula sa mga pinapaalis ng militar sa lupang ninuno habang pinagtatanggol ang mga kabundukang ginagahasa ng mga mining companies, at milyun-milyong Pilipino na matagal nang hinihigop ang pagkatao.

Likas sa karunungang katutubo na hindi lamang pagtatagpo ng mga binhi ng magulang ang bunsod para maging tao; bagkus, mas malaki ang gampanin ng masalimuot na proseso ng pagtatamo ng makataong pamumuhay sa modernong impyernong para masabing “tao” tayo, hindi mga daga sa masalimuot na kalungsuran o unggoy sa mga masusukal na kagubatan.

Habang nasa mundong ibabaw, patuloy ang paggawa sa ating pagkatao. Malayo pa pa ang tanglaw na inaasam: mapangalagaan ang dignidad ng kada-Pilipino. Nagsisimula pa lamang ang paniningil natin sa mahabang listahan ng mga kwentong bangungot mula sa paglabag sa karapatang pantao.

Habang nasa mundong ibabaw, tatanawin at liliparin ang mga kalapati sa himpapawid, na tulad ng karapatang inaasam, ay mapagpalaya.

Ngayong ginugunita natin ang Linggo ng Human Rights Consciousness, nawa’y maging kritikal tayo sa halaga ng ating mga karapatang pantao. Tulad ng batang hindi nagmamaliw ang sigasig para makilala ang mundo, hindi rin sana tayo magmaliw sa paglirip at pagkakamit ng tunay na kalayaan para sa masang Pilipino.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.