Maging ang ating agham ay hindi malaya

Scientia
Scientia
Published in
4 min readJun 12, 2018

Editoryal

Agham Youth National Chairperson E.J. Cabrera holds a placard during the ‘Hindipendence Day’ rally. Photo by C.J. Palpal-latoc

Halos 120 taon na ang nakakalipas nang paslangin si Heneral Antonio Luna. Si Luna ay isang siyentistang lumaban para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonyal na Espanya at Amerika. Samantala, ang mga nakabangga niya tulad nina Pedro Paterno at Felipe Buencamino na trumaydor sa bayan ang naging instrumento ng pamamayani ng imperyalistang Amerika. At magpahanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang ganitong kalagayan. Sa kabila ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan, hindi pa rin ganap na malaya ang bayan sa tanikala ng mga dayuhang bansa.

Makikita ang patuloy na pag-iral ng tanikala ng kolonyalismo sa estado ng ating agham at teknolohiya. Halimbawa, sa ibang bayan pa natin inaangkat ang mga kasangkapan na ating ginagamit sa ating mga laboratoryo at pananaliksik, tulad ng analytical balance, ground penetrating radar, mga reagent at panlinis ng mga chemical waste. Mahal magsagawa ng geophysical at geochemical survey para sa pagbuo ng baseline na datos ng ating mga yamang mineral, kung kaya pinauubaya natin sa mga dayuhang kumpanya ang pagsasagawa nito kaya nanghihikayat ang gobyerno ng dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng mapaminsalang mga batas tulad ng Export Incentives Act at Mining Act of 1995.

Pangalawa, nananatiling mababa ang suporta ng gobyerno para sa mga siyentista ng ating bayan. Noong 2009, nasa 0.11% lang ng GDP ng Pilipinas ang ginastos para sa Research & Development (R&D). Nananatiling mababa ang sahod ng mga siyentista sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin, pati na rin ang napakamahal na gastos sa Continuing Professional Development (CPD) na minandato ng gobyerno para sa mga propesyunal na siyentista tulad ng chemist, geologist, agriculturist at fisheries technologist. Kung kaya, ‘di na kataka-taka na dumarami ang mga siyentista at inhinyero na nangingibang bayan.

Mula 1998 hanggang 2009, dumami ng 2.5 beses ang bilang ng mga nagsialisang mga siyentista sa bansa batay sa datos ng Department of Science and Technology (DOST). Ang mga kuwento tulad ni Nathaniel Servando na dating pinuno ng PAGASA na tumungo na sa Australia para sa mas magandang hanapbuhay ay mga masasaklap na realidad na kahaharapin ng ating mga papatapos nang mga mag-aaral ng agham habang nananatiling walang industriya at ekonomiyang nagsasarili ang Pilipinas. Ang ganitong klaseng ekonomiya ang siya ring nagpapanatili ng atrasadong kalagayan ng ating agham at teknolohiya.

Sa kabila ng ganitong sitwasyon, itinutulak pa ng gobyerno sa pamamagitan ng Charter Change na ibukas sa mga dayuhan ang mga propesyunal na trabahong reserbado lang dati sa mga Pilipinong siyentista at inhinyero. Idinadahilan ng gobyerno na kaya nila sinusulong ito ay ang parehong dahilan kung bakit ang mga Tsinong mananaliksik na lang ang nag-aaral at nagpangalan sa mga lugar ng Benham Rise — kulang tayo sa mga siyentista.

Sa katunayan, ang kanilang kawalan ng suporta at pagpapatupad ng mga ekonomiyang patakarang sunud-sunuran sa mga dayuhang interes ang nagpapanatili sa kalagayang kulang tayo sa mga siyentista.

Ngunit maging ang ilan sa ating mga sariling mga siyentista ang idinirektang nagagamit din sa pagsusulong ng dayuhang interes. Ang ating mga geologist ay ang siyang naghahanap ng mga mineral deposit na pinang-eeksport lamang sa ibang bansa para iproseso at gamiting kasangkapan sa paggawa ng mga produkto na ating aangkatin at bibilhin sa mas mataas na halaga.

Ang mga institusyong nakabase sa atin tulad ng International Rice Research Institute ay mas napapakinabangan ng ating mga kapitbahay tulad ng Thailand dahil ang atrasadong estado ng ating agrikultura ay nakaugat sa pag-iral ng monopolyo ng iilan sa malalaking tipak ng lupa para sa export cash crop tulad ng pinya, tabako at saging imbis na para sa pangangailangan ng bansa.

Maging ang midyum ng ating pananaliksik at pagtuturo ng agham ay nakabatay sa wikang Ingles, ang wikang pinalaganap ng kolonyalistang Amerikano. Ang standard o pamantayan natin ng “matagumpay” na siyentista ay yung nakapaglathala ng mga saliksik sa mga prestihiyosong mga siyentipikong lathalain imbis na sa dami ng mga Pilipinong nakinabang sa kanyang saliksik.

Bagaman karapat-dapat din namang ipagbunyi ang tagumpay ng ating mga siyentista sa ibang bansa, ang baluktot na pamantayan na ito ay maiuugat naman sa kung ano ba ang prayoridad ng agham na mayroon tayo at sa hindi pa lubos na pag-aangkin ng sambayanang Pilipino sa siyensiya bilang “kanila” dahil hindi nga naman kaaya-aya aralin at unawain ang agham sa lipunang malawakang kagutuman at kahirapan ang laganap.

Sa pagbubuod, ang ating agham at teknolohiya ay hindi maihihiwalay sa pulitikal at ekonomikong kalagayan ng bansa. Sa katotohanan, sinasalamin nito ang malakolonyal (at malapyudal) na kondisyon ng bayan. Dahil dito, ang pagpapaunlad sa ating agham at teknolohiya ay hindi lamang natatapos sa pagpapadami ng nilalathalang saliksik o pagtataas ng pondo ng mga research projects.

Sa halip, kinakailangang mag-organisa ang mga siyentista, inhinyero at teknolohista at sumapi sa mga batayang sektor ng lipunan upang solusyonan ang mga pundamental na problema ng bansa tulad ng paglalapastangan ng dayuhan sa ating soberanya, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, kawalan ng mga pambansang industriya at iba pa. Kinakailangang mamulat ang mga estudyante at mga eksperto sa realidad ng pagkakagapi ng siyensiya at higit dito ay sumagka sa laban para sa rebolusyonaryong pagbabago. Sa ganitong paraan lamang tunay na magiging malaya ang Pilipinas at ang siyensiya nito.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.