Malayang pamamahayag, malayang pakikibaka

Scientia
Scientia
Published in
2 min readAug 1, 2018

Editoryal

Sumama ang Kolehiyo ng Agham sa condemnation action sa AS Steps. Kuha ni Janina Alviar

Dahil sa walang humpay na suporta at paglaban ay napalaya na sina Jon Bonifacio at iba pang idinitene sa Meycauayan matapos ang brutal na dispersal ng piketlayn ng mga manggagawa ng NutriAsia noong Lunes.

Nagpapasalamat at nagpupugay ang pahayagan sa mga tumulong at lumaban upang mapalaya ang aming mamamahayag na si Jon, mga sumuporta sa welga, mga manggagawa, kabataan at iba pang alagad ng midya.

Mula kaliwa pa-kanan: Sina Jon Bonifacio , Psalty Caluza at Avon Ang sa umaga ng kanilang paglaya. Kuha ni Anna Bonifacio

Ang 19 na inaresto ay ikinulong dahil sa mga paratang ng pulis na walang basehan. At ang tunay na mga pangyayari na naganap noong marahas na dispersal ay ibinaliktad ng pulisya at ng NutriAsia. Ngunit hindi tayo nagpatinag sa pananakot, pang-aabuso at panlilinlang ng NutriAsia at ng mga pwersa nito. Nanindigan tayo para sa kalayaan ng mga inaresto na siyang kalayaang maghayag at makibaka.

Subalit sa kabila ng tagumpay na ito ay nandiyan pa din ang kaso sa mga idinitene at ang laban para sa regularisasyon ng mga manggagawa ng NutriAsia. Bagama’t nakalaya na sina Jon ay kailangan pa din nilang tumugon sa mga ikinasong alegasyon ng pulis. Iimbestigahan pa sina Jon ukol sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 (iligal na pag-asemblo) at alarm and scandal. Nandiyan din ang tuluyang pagbuwag sa piketlayn ng mga manggagawa. Kinakailangan pang muling paigtingin ang kanilang hanay.

Ang laban nina Jon at ang laban ng mga manggagawa para sa makataong kondisyon sa trabaho, regularisasyon at nakabubuhay na sahod ay hindi natatapos sa paglaya ng 19 na inaresto sa pagkakakulong.

Patuloy nating itaguyod ang malayang pamamahayag at malayang pakikibaka. Ang panunupil sa pag-ulat ng katotohanan at paglipon sa mga nakikibaka ng mga elemento ng estado ay mga badya ng isang rehimeng nagtatayo ng diktadura.

Siyentista at mamamahayag, paigtingin din natin ang ating hanay tulad ng mga manggagawa at mangahas sa mga susunod pang hamon. #

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.