Mga Mamamayang Namamayani

Scientia
Scientia
Published in
14 min readAug 31, 2020

Lathalain | Gerard Galang, Nikka Macasa, at Pauline Alyanna Lontok

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Ika-16 ng Marso nang magsimulang magbago ang takbo ng tadhana ng karamihan dahil sa pagpapatupad ng community quarantine sa buong bansa bunsod ng pandemiyang dulot ng COVID-19. Dagdag pa ang mga hindi makataong polisiyang ipinatupad ng administrasyon, napilitan ang marami 一 karamihan ay mga uring manggagawa一 na sumuong sa mga masalimuot na pagbabago dulot ng krisis.

Ngayong Araw ng mga Bayani, kilalanin ang ilan sa mga karaniwang mamamayan na patuloy na lumalaban sa kabila ng banta ng pandemiya para tulungan ang bayan na makaraos sa krisis ngayon.

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Danii Nepomuceno

Gusto mo bang baguhin ang mundo? Gusto mo bang tumulong sa iyong kapwa ngunit ‘di mo alam paano mo ito sisimulan? Alam mo ba na pwede mo ‘tong matupad sa pamamagitan lamang ng pag-post sa social media? Dito nagsimula ang Sulagpo na binuo ni Danii Nepomuceno―isang 19-taong gulang na estudyante ng Ateneo de Manila University (AdMU) mula sa Lungsod ng Angeles sa Pampanga.

Nagsimula ang hangarin ni Nepomuceno na bumuo ng isang samahan noong siya’y nagkusang-loob na tumulong sa isang organisasyon sa Maynila ngayong pandemiya―ang Help From Home PH. Inatasan siyang kumuha ng mga datos ng mga nagkakasakit dulot ng COVID-19 mula sa iba’t ibang barangay at magsagawa ng mga panayam sa mga pinuno nito ukol sa kalagayan ng kani-kanilang barangay, lalo na sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan. Habang siya’y nangangalap ng datos para sa isasagawang information drive, naisip niya na magandang gawin din ito sa kanyang lungsod upang mabigyan ng tama at maaasahang mapagkukunan ng impormasyon ang mga Angeleño ukol sa COVID-19.

Ayon sa kanya, “I noticed that there were no such initiatives in the area and wanted to fill in that gap and bring the same kind of service to my own community.”

Upang tuparin ang kanyang hangarin, humingi siya ng tulong mula sa organisasyong kanyang pinaglingkuran at sa kanyang mga malalapit na kaibigan upang simulan ang inisyatibong ito. Nag-post siya sa kanyang mga social media accounts ukol sa kanyang plano na mangalap ng mga datos sa iba’tibang barangay sa Angeles at ibahagi ito sa buong lungsod. Hindi niya lubos na akalain na maraming kabataan ang naging interesado sa kanyang ideya at nahikayat na sumama sa kanya sa paggawa ng proyektong ito. ‘Di nagtagal, naisip niya na bumuo ng isang samahan ng mga kabataang Angeleño na handang maglingkod sa kani-kanilang komunidad. Kaya, noong ika-6 ng Mayo, naitatag na niya ang Sulagpo.

Nabuo ang Sulagpo mula sa layuning matulungan ang bawat Angeleño para sa sama-samang pagsulong tungo sa “better normal.” Upang magampanan ang layuning ito, tungkulin nilang bigyan ng tamang kaalaman at mapagkakatiwalaang impormasyon ang mga Angeleño tungkol sa COVID-19 at suportahan ang mga kapwa Angeleño ngayong pandemiya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga proyekto. Tiwala si Nepomuceno na matutupad ang lahat ng mga ito kung ang bawat isa ay nagbabayanihan ngayong panahon na kailangan natin ang bawat isa.

Noong una, aminado si Nepomuceno na wala siyang kaalam-alam kung paano magtayo ng isang organisasyon. Ayon sa kanya, hangad lamang niya na paglingkuran ang kanyang komunidad upang mabigyan sila ng kaunting ginhawa, kahit sa munting paraan, ngayong panahon ng kagipitan. Kaya labis ang kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong at sumuporta sa kanya dahil natupad ang kanyang nais na makapagsilbi sa kanyang mga kapwa Angeleño kahit siya’y isang estudyante lamang.

“Sulagpo would not be what it is now without the team who helped build it and are continuing to grow it and with it. Ang gagaling nilang lahat,” sabi niya.

Maraming proyekto na ang nagawa ng Sulagpo. Isa na riyan ang pangangalap ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Angeles, pati ang mga nakuhang impormasyon tungkol sa pamamahagi ng mga ayuda sa iba’t ibang barangay, at ibinahagi nila ito sa social media sa pamamagitan ng mga infographics. Bukod pa rito, nagsagawa sila ng mga panayam sa mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan para sa kanilang #AskAnExpert series upang sagutin ang mga madalas na katanungan ng madla tungkol sa nangyayaring krisis sa bansa. At kamakailan lang, nagsagawa sila ng kauna-unahang e-sports competition―ang Sulagpo ML (Mobile Legends) Cup―upang makalikom ng pondo bilang tulong pampinansyal para sa mga Angeleñong mag-aaral ng medisina na naapektuhan ang kanilang pag-aaral dahil sa pandemiya at gustong tuparin ang kanilang pangarap bilang isang doktor. Lahat ng proyektong ito ay naging matagumpay kaya lubos ang pasasalamat ni Nepomuceno sa mga naging bahagi ng pagbuo sa mga ito.

Dahil naging matagumpay ang pagbuo ng Sulagpo, balak ni Nepomuceno na ipagpatuloy ang paglilingkod sa kanyang binuong samahan kahit na matapos na ang pandemiya. Naging malaking tulong sa kanya ang ganitong tungkulin upang malampasan niya ang kanyang mga pinagdadaan ngayon. Naniniwala siya na walang pinipiling oras, araw, o panahon ang pagbibigay ng serbisyo sa madla. Kahit gaano man ito kalaki o kaliit, hindi titigil ang kanilang organisasyon na tuparin ang kanilang layunin at sa paggawa ng kanilang mga misyon para sa kapakanan ng bawat Angeleño.

Aniya, “I know that in our own little way, the work we do in Sulagpo can somehow help another person through these difficult times and that’s a big part of what helps me get through my problems.”

Mahigit tatlong buwan mula noong nabuo ang Sulagpo, patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay ng serbisyo para sa mga Angeleño. Plano ngayon ng organisasyon na matulungan ang iba pang naapektuhan ng pandemiya tulad ng mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasagawa ng donasyon upang masuportahan sila sa paparating na online classes. Kasama rin sa binubuo nilang plano ay ang paggawa ng isang proyekto para sa mga maliliit na negosyanteng Angeleño na may layuning suportahan ang bawat negosyante upang makabangon mula sa kagipitan.

Ngayon, binubuo na ng 38 miyembro ang organisasyon mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon tulad ng Pampanga, Maynila, at Laguna. Hangad ng kanilang samahan na mas palawakin pa ang kanilang organisasyon at humikayat pa ng maraming kabataan sa buong Pilipinas upang tumulong sa mga nangangailangan. Nais din nila na maisulong ang kanilang mga adbokasiya tungo sa pagbabago ng ating bansa. Naniniwala sila na ang Sulagpo ang magsisilbing daan ng mga kabataan upang matupad ang kanilang hangarin na makapaglingkod para sa bayan ng buong puso.

Ngayong Araw ng mga Bayani, lubos ang pasasalamat ni Nepomuceno sa sakripisyong ibinibigay ng ating mga frontliners sa kabila ng mapanganib na sitwasyon nararanasan natin. Hangad niya na ipagpatuloy ang kanilang pagbibigay ng serbisyo para sa taumbayan at huwag sumuko sa labang hinaharap natin sa kasalukuyan. Hiling niya sa ating pamahalaan na mas pahalagahan ang sipag at tiyaga ng ating mga bagong bayani at pakinggan ang kanilang boses at hinaing para sa mas maayos, malinaw, at konkretong plano para sa kaligtasan ng lahat at para sa pagbangon muli ng Pilipinas mula sa dagok ng pandemiya.

Aniya, “We owe them a great deal of gratitude and a sense of indebtedness for their service and sacrifice.” Dagdag pa niya, “I hope we can all translate this appreciation by taking the necessary precautions in flattening the curve to help prevent them from further harm or greater risks.”

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Mark Villaluna

Labing-isang libong nawalan ng trabaho dahil sa non-renewal ng prangkisa ng ABS-CBN. Ngunit higit sa numerong ito ay ang masalimuot na kwento ng mga manggagawang kailangan nang magpaalam sa kanilang tahanan sa nasabing network. At para kay Mark Villaluna, hindi lamang kabuhayan niya ang nanganib kundi pati na rin ang kanyang pangarap mula pagkabata.

Dumidiskarte ngayon si Villaluna bilang isang freelance video editor pero bago ang malawakang retrenchment, nagtrabaho siya bilang segment producer ng #NoFilter, isang documentary series kung saan gumagamit sila ng kakaibang istilo sa pagsasalaysay ng mga kwento.

Nasa Tuguegarao siya noon upang icover ang 2020 National Schools Press Conference (NSPC) sa ngalan ng pagpapakilala at pagsulong ng campus journalism ngunit, bago pa man ito matapos, pinauwi na siya bunsod ng ipapatupad na quarantine sa bansa. Dito nagsimulang magbago ang dinamika sa kanilang trabaho. Mula sa paglubog sa iba’t ibang komunidad at harap-harapang pakikipagpanayam, nalimitahan ang kanilang galaw sa departamento ng News and Current Affairs. Dahil dito, isinulong nila ang mobile documentaries kung saan ang mga eksena ay kinukunan lamang gamit ang mga phone camera. “We want filmmakers to realize they can do decent documentaries — award-winning documentaries — kahit smartphone lang yung gamit.”

Ngunit nagbago ang lahat nang ipatupad ng National Telecommunications Commission ang cease-and-desist order. “Before the pandemic I was on the last step, as in, pag nagawa ko ‘yun I will be fully hired as a reporter… interview na lang yun with Ma’am Ging Reyes… na laging nabubump off dahil sa hearing.” Matinding lungkot ang dinulot nito kay Villaluna sapagkat hindi lamang niya kinailangan magpaalam sa itinuring niyang tahanan sa loob ng dalawang taon; kinailangan niya rin harapin kung paano nagtatapos ang ilang taon na pinuhunan niya upang makarating sa kung nasaan siya bago ang nangyaring non-renewal. “Ito ‘yung dream ko bata pa lang ako, kaya ako sumasali ng journ contests, kaya ako nagt-train ng students for NSPC… tapos ganito yung mangyayari,” mangiyak-ngiyak niyang kinwento. Nung tinanong kung may balak ba siyang lumipat ng network, sabi ni Villaluna na pinagiisipan niya ito pero kailangan niya munang “magmove on” at sa ngayon ay dumidiskarte muna habang nagmumuni-muni tungkol sa karera niya.

Higit dito, matinding pagkadismaya ang naramdaman ni Villaluna sa kung paano hinarap ng mga kongresista ang isyu. Daing niya na dapat respetuhin ng mga pulitiko ang papel at awtonomiya ng malayang pamamahayag. “If the government doesn’t appreciate that role, it’s indicative that the government is dysfunctional, that our very democracy is dysfunctional,” diin niya. At upang isulong ang tungkulin ng midya bilang watchdog, nararapat lamang na protektahan ang lahat ng bumubuo nito. Dagdag dito, umaasa si Villaluna na maunawan ng mga tao ang tungkuling ito sa pamamagitan ng tamang pagtuturo ng media literacy, at mas konkretong programa sa campus journalism.

Bagamat hindi pa malinaw ang kinabukasan niya sa ngayon, naninindigan siya na ang tungkulin na ipagtanggol ang malayang pamamahayag ay tungkulin ng lahat sapagkat aniya nga, “sa bawat pagkakataon na binubusalan ang midya, kahit na isang network lang yan, it’s a threat to press freedom, to that constitutional right of freedom of expression.

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Rizza Ventura

Sino pa ba ang may mas higit na pasensya sa pag-aalaga ng mga pasyente kundi ang ating mga nars? Paano pa kaya sa panahon ngayon na may mapanganib na pandemiya? Dagdag oras sa trabaho at dobleng pagod — ito ang mga pagsubok na nararanasan ni Rizza Ventura bilang ward nurse sa Naga Imaging Center Cooperative (NICC) Doctor’s Hospital, isang pribadong ospital sa Lungsod ng Naga.

Noon, ang duty ni Rizza ay tumatagal lamang ng walong oras sa isang araw. Ngunit ngayong may pandemiya, umaabot na ng mahigit kalahating araw ang kanyang trabaho. Sa kabilang banda, nabibigyan siya ng tatlong araw na day-off sa bawat linggo. Bukod pa rito, naging istrikto ang kaniyang pinagtatrabahuhang ospital sa implementasyon ng mga health protocol pati ang laging pagsuot ng mga personal protective equipment (PPE).

Hindi biro ang pagiging isang healthcare worker lalo na ngayong panahon na may pandemiya. Higit sa araw-araw na pag-aalaga ng mga pasyente, doble ingat si Rizza upang maiwasang maiuwi sa kanyang pamilya ang mga sakit na maaari niyang makuha sa ospital. “Before I leave the hospital, I change my clothes din and pagdating ulit sa bahay… dapat makaligo muna ako. So for me, medyo difficult din ‘yon kasi pagod ka pero wala kang choice… halimbawa ako, especially ‘yong family ko, ‘yong mother ko may lupus so immunocompromised ‘yun, may iniingatan din akong special child na pamangkin… ayoko talaga maiuwi ‘yong virus pero it doesn’t mean naman na I have to stop being a nurse, especially ngayon… ,” ani ni Rizza.

Para kay Rizza, hindi lamang pangkabuhayan ang pagiging isang nars kundi isa ring bokasyon. Sa kabila ng pagod at sakripisyo, marahil kapakanan ng kapwa ang nauuna sa kanyang isip. Ngunit madalas hindi nabibigyang pansin ang mga healthcare worker sa ating bansa.

“Sana our government will, kumbaga, value naman ‘yong remaining nurses sa Pinas ‘di ba… sila na ‘yong nasa frontline pero hindi nakikita masyado ‘yong value nila… Kahit sa ganitong situation, hirap pa din ‘yong gobyerno natin na mabigay ‘yong tamang compensation…,” inihayag ni Rizza. Patuloy ang panawagan ng healthcare sector sa pagkakaroon ng kooperasyon at transparency mula sa gobyerno at sa taumbayan.

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Jeanill Migraso

Likas sa ibang tao na, sa kabila ng kanilang sariling mga limitasyon, sumuong sa mga hamon para makatulong sa mga labis na nangangailangan. Ganitong diwa ang makikita sa kagaya ni Jeanill Migraso, isang 20-taong gulang na mag-aaral ng BS Psychology sa AdMU. At para sa kanya, ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagluluto.

Bata pa lamang si Migraso, nagpakita na siya ng interes at talento sa pagluluto. Lumahok siya sa Junior Masterchef Pinoy Edition noong 2011 at mula noon ay ibinahagi niya rin ang kanyang talento sa pagluluto para sa iba at ang pagtatag kanyang sariling online business — ang Duduy’s Kitchen. Muli niyang ginamit ang kanyang abilidad ngayong panahon ng pangangailangan.

Nang magsimula ang community quarantine, maraming indibidwal at organisasyon ang naglunsad ng mga donation drive para tulungan ang mga ospital na kulang sa mga personal protective equipment at medical supplies at kabilang na doon ang isang kaklase niya noon. Hindi alam ni Migraso kung saan makakakuha ng mga nasabing suplay kung kaya, sa pagninilay ng kanyang abilidad, tinanong niya ang kaklase, “Kailangan ba ng fronliners natin ng food?” At doon nagsimula ang Frontliners’ Kitchen (FK), isang inisiyatibong pinangungunahan ng mga mag-aaral na naghahandog ng masusustansyang pagkain sa mga healthcare workers at frontliners sa mga ospital.

Nagsimula ang FK bilang tatlong araw lamang na inisyatibo kasama ang ilang kaibigan niyang kapwa mag-aaral sa kolehiyo. Tatlong araw silang namalengke, nagluto at nag-pack magdamag, at nagdala ng mga pagkain sa mga ospital. ‘Di kalaunan ay tumagal ito ng isa linggo, at isa pa, hanggang sa nagkaroon na sila ng mga page sa social media, volunteers mula sa iba’t ibang kolehiyo at media, at organization partners at mahabang listahan ng mga benepisyaryo. At, noong ika-15 lamang ng Agosto minarkahan nila ang ikalimang buwan ng FK na umabot na sa higit 5200 na likes sa Facebook at samu’t saring proyekto.

Ngunit para sa kanila, hindi ito dahilan para magdiwang. Ang tatlong araw lang dapat na inisyatiba ay naging limang buwan dahil nakita nila ang pangangailangan na ipagpatuloy ito.

“Nakakalungkot para sa ‘kin na tumagal kami nang ganito kasi ibig sabihin, may problema pang kailangan ayusin nang ganto katagal na,” aniya. “Kung ako lang, masaya naman ako pero… nakakalungkot na maraming taong walang makain ngayon, maraming taong unemployed… tapos sasabihin pa hindi naman 100%.” Pananagutan — ng mga responsable sa mga nawalan ng trabaho, sa hindi sapat na hazard pay ng mga frontliner, ang mga nakakatakas sa batas — at transparency ang mga panawagan ni Migraso. Dumudulog din siya sa kabataan na maging kritikal, makialam, at sama-samang kumilos para isulong ang interes ng mga mamamayan.

Pagkatapos ang pandemya, tuloy pa rin ang FK bilang community-based youth initiative na layong magsulong ng sustainability para kung sakaling maulit muli ang ganitong krisis, handa ang mga komunidad. Sa ngayon, inaalagaan ni Migraso ang kanyang kalusugan para sa kanya, sa kanyang pamilya, at para sa mga benepisyaryo ng FK.

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Glenn Lontok

Mas maligaya ang pagsalo-salo sa kainan kapag kasama ang Coke. Kahit na karamihan sa atin ay laging nasa bahay lamang ngayong quarantine, tuloy-tuloy ang trabaho ng mga kompanya upang maihatid sa atin ang kanilang mga produkto. Dahil sa mga empleyadong naghahanap-buhay sa kabila ng pandemiya, nabibili natin ang mga paboritong pagkain at inumin.

Isa sa Glenn Lontok, kasalukuyang nagtatrabaho bilang salesperson ng Coca-Cola Beverages Philippines Incorporated, sa mga patuloy na nagsisikap at nagtatrabaho kahit mapanganib ang sitwasyon. Kalahok siya ng sales department na nag-aatas ng mga order at bayarin ng iba’t ibang outlets sa lugar pati ang pagtitiyak sa wastong oras na paghatid ng mga produkto. Sanay na si Glenn sa mga pagsubok sa mundo ng korporasyon sa mahigit na 12 taong pagtatrabaho sa ilalim ng kompanya. Gayunpaman, nakakaranas siya ng pagsubok noong siya’y inilipat sa ibang lugar kamakailan lang.

Mula sa Legazpi, inilipat siya sa Lungsod ng Naga. Maliban sa araw-araw na pagsubok na kanyang nararanasan dala ng panibagong lugar at mga kasamahan sa trabaho, hindi mawawala ang kanyang pag-aalala sa sariling kaligtasan. “Some of the PPEs are provided by the company but… really they can’t provide everything and so some of the protective equipment — we have to buy it on our own,” ani ni Glenn.

Bagaman nagsimula nang lumipat sa remote at online transaction ang kompanya, kinakailangan pa ring pumunta sa planta ng mga empleyado para magtrabaho. Ito’y nakababahala sapagkat patuloy na dumaragdag ang mga inuulat na mga nagpositibong kaso ng COVID-19 sa lugar. “I could just hope that the company would be able to provide us more with the much needed tools, much needed equipment for us to be really safe,” kanyang ibinahagi.

Para kay Glenn, walang ibang maaaring gawin kundi ang magpatuloy sa trabaho, sundin ang mga alituntunin, at gawin ang lahat para umangkop sa mga pagbabagong dala ng pandemiya.

Grapika nina Jansen Wong at Sam Julian

Sam Dela Cruz

Dahil sa krisis sa kalusugan na dala ng pandemiya, mas nabigyang pansin at halaga ang papel ng agham at mga siyentista sa pagunlad ng bansa.

Kabilang sa mga siyentistang ito si Sam Dela Cruz, isang instructor sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (NIMBB) ng UP Diliman. Nagtapos bilang summa cum laude noong 2019, bumalik si Dela Cruz sa NIMBB noong Enero upang ibahagi ang kanyang kaalaman sa mga nangangarap na maging molecular biologist tulad niya. Sa kasalukuyan, isa rin si Dela Cruz sa mga gurong humaharap sa hamon ng pagtuturo sa pamamagitan ng remote learning. Bilang paghahanda, nagsusulat siya ng mga module at pumupunta sa NIMBB upang magrecord ng mga video lecture para sa mga course pack na ipamimigay sa darating na semestre. Subalit hindi pa rin nawawala ang pangamba na maaaring hindi maging mabisa ang mga ito lalo na’t pawang kasanayan sa laboratoryo ang layunin ng mga lab class. “Ang goal kasi ng lab class ay maturuan yung students kung paano ‘yung practical knowledge about how to use different equipment and employ different techniques,” aniya.

Bukod sa pagiging guro, nagboluntaryo rin si Dela Cruz, kasama ng iba pang kapwa molecular biologist, noong unang bahagi ng Abril para magsagawa ng mga RT-PCR tests ng swab samples. Pagkatapos nang kanilang pagsasanay para dito, nalipat siya sa ibang programa upang magsanay naman ng mga medical technician kung saan nagturo sila kung paano pinapatakbo at ginagamit ang RT-PCR machines at kits. Sa loob ng anim na linggo, nakapagsanay sila ng humigit kumulang 200 na medical technician at hanggang ngayon ay tumutulong si Dela Cruz sa pangangasiwa ng mga online course tungkol dito.

Dahil naranasan at alam ni Dela Cruz ang sitwasyon sa frontlines ng laban kontra COVID-19, hindi niya mapigilang madismaya sa kawalan ng komprehensibong programa ng gobyerno. Isa siya sa mga siyentistang nasa likod ng Scientists Unite Against COVID-19, isang alyansang nananawagan sa gobyerno na palawakin at paigtingin ang kapasidad nita sa pagsasagawa ng COVID-19 tests. “We’re relying on other countries to develop a vaccine and hindi pa nila narealize na a huge part of [battling COVID-19] is the testing, isolating and tracing.” Alinsunod dito, binigyang diin niya rin na nararapat lamang bigyan ng suporta ang sektor ng agham. “You can’t do the testing without the healthcare workers and the scientists who develop the kits.

Ipinalagay rin niya na itong kakulangan ng suporta sa agham — ang hindi sapat na suportang pinansyal at oportunidad at mga hadlang sa procurement process — ang dahilan sa malawakang brain drain sa Pilipinas dahil aniya, “the truth is its very uncomfortable to do science here.” Kung kaya’t umaasa siya na susuportahan ng gobyerno ang lahat ng agham, kabilang na ang molecular biology. “Science is important, hindi lang yung science na translational… basic research is just as important as all the other kinds of research.

Sa kabila ng pandemiya, ang mga karaniwang mamamayan ang nagsilbing bayani sa panahong lugmok ang ating bayan sa krisis, binibigyang patunay na sa bawat pagsubok, ang mga mamamayan, ang masa ang mamamayani.

Update (August 31, 9:53 p.m.): The section about Sam Dela Cruz originally described him and his colleagues as microbiologists and his field of study as microbiology. These have now been changed to molecular biologist and molecular biology, respectively.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.