NAGSISIMULA PA LANG ANG LABAN

Scientia
Scientia
Published in
3 min readMay 12, 2022

Editorial

Graphic by Design Team

Matapos ang 36 na taon, nagbabadyang bumalik sa kapangyarihan ang pamilya Marcos dahil kasalukuyang nangunguna nina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte sa pagkapangulo at pangawalang pangulo ngayong eleksyon. Ang paparating na tagumpay ng tambalang Marcos-Duterte ay ang muling panganganib ng bansa: ang kanilang panalo ay ang kabiguan ng ating bansa mula sa kasinungalingan, pasismo, at korapsyon na idinulot mismo ng kanilang mga rehimen. Iilan lamang ito sa maraming mga dahilan upang tumindig at lumaban.

Sa mga makinarya nina Marcos Jr. at Duterte, matagal na nilang pinadarapa ang demokrasaya sa kanilang mga ninanais. Unti-unting lumantad at lumago ang resulta ng ilang mga taon nilang pagmamanipula sa mga institusyong panlipunan. Pinababango ng administrasyong Duterte ang mga krimen ng rehimeng Marcos at ang kanilang sariling mga kasalanan sa pamamagitan ng fake news at misimpormasyon sa social media sites tulad ng Facebook at YouTube. Ang humigi’t kumulang na anim na taong pagpapalaganap ng mga kasinungalingang ito ay lumupig sa karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon at malayang pagpapahayag. Umpisa pa lamang ay niloloko at dinadaya na ang sambayanang Pilipino. Siyang tunay, hindi na nakasandig sa demokrasya ang eleksyon ngayong taon — nailatag na lahat ng mekanismo at tila baga’y hinihintay na lang nilang madala pabalik sa palasyo.

Matindi na ang sinasapit ng ating mga mamamahayag at mga siyentista sa ilalim ng administrasyong Duterte. Maraming mga peryodista ang namatay at ang iba’y nalulunod sa kanilang laban para sa katotohanan. Naipasara pa ang isang malaking estasyon sa ilalim ng kanilang pamamahala. Hindi rin pinapakinggan ang ating mga siyentista lalo na ngayong kasagsagan ng pandemya, at kulang ang pasahod sa ating mga healthcare workers at mananaliksik. Sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, asahan ang muling pagbabalik ng mga panganib sa ating mga karapatang pantao: mas maraming kaso ng korapsyon sa pamahalaan, mas matinding kaparusahan sa mga aktibista at progresibo, at mas malalang atake upang patahimikin ang ating mga peryodista at mga siyentista sa pagpapahayag ng katotohanan.

Sa kabila nito, hindi dapat tayo mawalan ng loob bagkus ay lalo pa nating paigtingin ang ating lakas upang mapigilan ang pamamayani nina Marcos Jr. at Duterte. Kabi-kabila ang mga reklamo sa buong bansa ukol sa problema sa pagpalya ng mga vote counting machines (VCMs) kaya hindi makaboto ang iba sa ating kapwa Pilipino. Talamak din ang vote-buying sa panahon ng kampanya at maging sa mismong araw ng eleksyon. Sa ganang amin, marapat na nating kalampagin ang Commission on Elections upang mabigyang halaga ang boses ng bawat botante. Panagutin natin sila sa lahat ng anomalyang nagaganap mula sa pagkasira ng mga VCMs hanggang sa tuluyang pagkaantala ng pagboto ng ilan sa ating mga kababayan sa mga presinto. Panagutin natin sila sa kanilang kapabayaan sa naganap na eleksyon. Dapat nilang patunayan na naninindigan sila sa mandatong ipinataw ng Konstitusyon sa kanila, na isa silang nagsasariling komisyon na malaya mula sa ano mang dikta ng mga politiko.

Higit sa lahat, panagutin natin ang pamilya Marcos at ang administrasyong Duterte. Sa ilalim ng kanilang mga rehimen, namayagpag ang pasismo at pambubusal sa mga boses na nagsusulong ng pagbabago para sa bansa. Sa ilalim ng kanilang mga rehimen, nanaig ang korapsyon at kasinungalingan na nagdulot ng kahirapan sa nagdurusang masa. Sa pagkakataong ito na sila’y nagsanib-pwersa, ipanalo natin ang pagkakaisa ng masang Pilipino laban sa kanilang tangkang pamamayani at pagkamkam ng kapangyarihan.

Sa ilalim ng diktaduryang Marcos, maaaring bilang na ang mga araw ng manunulat ng akdang ito. Maaaring wala nang makabasa nito muli kung nasa panahon tayo ng Batas Militar. Ngunit, ito mismo ang dahilan kaya tayo lumalaban at nananawagan: upang protektahan ang kalayaan at demokrasya sa bansa na binaka ng mga naunang mga progresibo. Hindi kailanman natatapos ang laban sa eleksyon. Nagsisimula pa lang ang ating tunay na laban para sa isang pamumunong makamasa. Nasa lansangan, kasama ang masa, bitbit ang kanilang mga panawagan, ang tunay na laban. Patuloy tayong tumindig para sa mga peryodista, siyentista, at mamamayan at tayo ay magkaisa upang tuluyang mapatalsik ang nagbabantang pagkakaisa ng rehimeng Marcos at Duterte.

#NoToMarcosDuterte2022

#Halalan2022

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.