Paalam, Ate!

Scientia
Scientia
Published in
2 min readMay 2, 2021

--

Literary | Laurice Angeles

Graphics by Deitro Dazo

Pumasok ako sa kwarto ng nakatatanda kong kapatid habang nag-iimpake siya para sa pag-alis niya patungong Canada. Tahimik lamang ako at nakatitig sa sahig upang itago ang mga mata kong pilit pinipigilan ang pagtulo ng mga luha. Napatigil siya sa kanyang gawain at marahan akong tinanong kung may kailangan ako. Imbis na sagutin siya ay ipinahayag ko ang mga matagal ko nang gustong itanong sa kanya.

“Ate, bakit kailangan mong mag-aral at magtrabaho sa ibang bansa?” daing ko. “Nakapag-aral at may trabaho ka naman dito, ah? Nandito rin ang mga mahal mo sa buhay.” Kita ko ang sakit sa kanyang mga mata ngunit nagpatuloy ako. “Mag-iisa ka lang doon! Hindi ka ba nalulungkot na iiwan mo kami?”

Saksi ako sa mga karanasan ni ate at sa gayon ay may ideya ako sa kung ano ang isasagot niya sa akin. Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa isang magandang unibersidad sa kursong arkitektura. Madalas niyang ikuwento sa akin na hindi naging madali ang limang taong pag-aaral na puno ng mga gabing walang tulog at paggastos para sa mga mamahaling mesa, laptop, at mga materyales na kailangan para sa kanyang mga proyekto. Natanggap man siya sa isang magandang kumpanya noong nagsisimula pa lamang siya, mababa naman ang kanyang sweldo at per project lamang ang natatanggap niyang trabaho. Makalipas ang limang taon bilang mabuti at regular na empleyado, hindi pa rin sapat ang kinikita at naiipon niya upang bumukod, magkaroon ng sariling pamilya, at makaranas ng maginhawang buhay, kahit noong wala pang krisis.

Niyakap niya ako nang may luha sa kanyang mga mata at sinabing tiyak na nalulungkot siya. Hindi madali ang umalis sa matagal mong tinawag na tahanan. Gayunman, ang sabi niya, “Kailangan nating magsakripisyo muna sa ngayon.” Pinahid niya ang tumutulong luha mula sa aking mga mata. “Hindi gaanong maganda ang hinaharap ko dito at wala na masyadong patutunguhan. Tumataas pa lalo ang presyo ng mga bilihin dahil sa pandemya,” dagdag niya.

Hindi na ako nagulat sa kanyang mga sinabi. “Naiintindihan kita, ate. Hindi na praktikal tumira dito at matagal na talagang may pagkukulang ang gobyerno natin,” malungkot kong tugon. “Pero ate, mag-iingat ka palagi doon, ah! Kapag nahihirapan ka o nalulungkot, tumawag ka lang. Nandito lang kami.” Niyakap niya ako muli nang mahigpit at ngumiti.

“Magkakasama rin tayong lahat doon,” sabi niya.

“Maghintay ka lamang ng ilang taon. Magiging madali rin ang buhay natin.”

--

--