Sa Ating mga Kabataan

Scientia
Scientia
Published in
3 min readMay 30, 2019

Editoryal

Graphic by Tiffany Uy, Background Photo from PhilStar Krizjohn Rosales

Kamakailan lamang ay ibinasura ng Korte Suprema ang apela ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) na tutulan ang tuluyang pagtanggal ng mga kursong Filipino at Panitikan mula sa Tertiary Education. Ang desisyong ito ay sinuportahan ng Commission of Higher Education (CHED) Chairman na si Prospero De Vera III. Samantala, mismong ang mga mag-aaral at mga guro ang kumukondena sa pagbasura ng Korte Suprema sa apela at ang pagtulak ng CHED sa mga rebismo sa kurikulum sa ilalim ng Memorandum №20.

Kapagka ang baya’y sadyang umiibig

Sa kanyang salitang kaloob ng langit

Sanlang kalayaan nasa ring masapit

Katulad ng ibong nasa himpapawid

Iyan ang unang berso sa tulang, “Sa Aking mga Kababata” na katha mismo ni Dr. Jose Rizal. Ang kaisipang nakapaloob sa bersong ito ang pinanghahawakan ng mga kilusang naglalayong pagyamanin ang wika ng bansa. Makabuluhan ang laban ng mga kabataang mag-aaral, mga guro, mga historyador, at mga manlilikha para sa pagpapaigting ng ating wika at panitikan sapagkat napakalahaga ang pag-aaral ng mga ito sa pagbuo ng ating pambansang kamalayan. Hindi lamang ito humahangga sa bokabularyo, paggamit ng mga salita, o pagbuo ng mga pangungusap. Sa katunayan, sinasaklaw rin nito ang mga diskusyon ukol sa intelektwalisasyon ng wika, mga daluyan at ebolusyon nito sa loob ng iba’t ibang siglo ng kasaysayan, maging ang mga tekstong nagbibigay ng kritika sa iba’t ibang katha — na siyang mabibigyan sana ng higit na diin sa kolehiyo kumpara sa Senior High School at sa mas mababang lebel.

Marapat nga lamang na tutulan ang desisyon sapagkat ang paglusaw sa mga asignaturang Filipino at Panitikan ay isang paglabag sa Saligang Batas. Sa ilalim ng Artikulo IV, Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987, ang wikang pambansang Filipino ay dapat pagyabungin at pagyamanin gamit ang mga umiiral na mga wika ng Pilipinas. Gayundin, responsibilidad ng estado ang pagkalinga, pagpalaganap, at pagpapasigla ng sining at panitikan, pati na rin ang mga pananaliksik nito.

Lalo lamang lumitaw ang kabalintunaan ng desisyong ito nang ipasa ang panukalang-batas upang gawing mandatory ang Reserve Officers Training Corp (ROTC) sa senior high school, na ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, ay naglalayong gumising ng patriyotismo sa mga kabataan. Sinuportahan naman ito ng DepEd Secretary na si Leonor Briones. Kongkreto ang salungatan sa pagitan ng pag-alis sa asignaturang Filipino at pagpapatupad ng mandatory ROTC. Mahirap mawari kung paano naging patriyotiko ang sapilitang ROTC samantalang inalis ang mga asignaturang nagsisilbing tulay upang makilala ng mga kabataan ang pambansang identidad.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita

Mahigit sa hayop at malansang isda

Kaya ang marapat pagyamaning kusa

Na tulad sa inang tunay na nagpala

Kung ang pagmamahal sa wika ay nangangahulugang kailangan natin itong pag-ibayuhin at pagyamanin, tunay ngang kadustaan ang desisyon ng Korte at ang pagsuporta dito ng CHED. Ang pagkintal ng pambansang kamalayan ay hindi maipapagtibay ng militarismo at bulag-bulagang pagsunod, kundi ng edukasyong mapagpalaya. Edukasyong nakatuon sa pagtuturo ng kahalagahan ng wika, panitikan, kasaysayan at lahat ng teksto’t araling bumubuo sa ating pagkakilanlan. Edukasyong nasyonalistiko na hindi lamang ukol sa pag-aaral ng teorya kundi nakapagmumulat ng kalagayan ng lipunan.

Bilang mag-aaral, mayroon tayong lakas upang panatilihin, isulong at itaguyod ang Filipino at Panitikan ‘di lamang bilang kurso sa kolehiyo, kundi sa ating sariling mga larangan at sa mas malawak pang sakop. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatuloy natin ng deka-dekadang laban para sa makabayan, siyentipiko at maka-masang edukasyon. Sa ganitong klaseng edukasyon, maipauunawa sa atin ang tunay na papel ng ating wika at panitikan para sa pambansang kapakinabangan.

--

--

Scientia
Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.