Ang Guro sa Bagong Normal

Online Poll mula sa Vox Populi PH

Vox Populi PH
Vox Populi PH
4 min readOct 5, 2020

--

(LARAWAN | VOX POPULI PH)

Marami sa atin ang nahihirapan ngayong may pandemya. Nariyan ang kawalan ng trabaho, pagtutustos sa pangangailangan, kagutuman at pakikipagpatintero ng mga sangay ng gobyerno para sa ating buhay. Nang dahil sa pandemya, marami ring establisyemento ang nagsara at kasama na rito ang mga eskuwelahan.

Sa kabila ng pandemya, patuloy namang nagturo ang mga guro sa pamamagitan ng mga online classes. Iba’t-iba ang naging estilo at malaki ang ginawang pag-aadjust upang mabigyan ng edukasyon ang mga estudyante. Kabi-kabila man ang naging problema sa naturang midyum ay hindi pa rin nagpatinag ang kagawaran ng edukasyon at itinuloy ang pasukan ngayong taon. Kaya naman, ngayong Buwan ng mga Guro, kinamusta namin ang mga bayaning pinagsasabay ang kanilang responsibilidad sa tahanan at ang kanilang pagiging pangalawang magulang.

Ano nga ba ang buhay ng guro ngayong lockdown?

Keno Ivan O. Matias

Pamantasan ng Lungsod ng Marikina- Senior High School Department

“Ang pagiging Guro at ang pagtuturo ay parang paghahanap ng karayom sa gitna ng talahiban sa mga pagkakataong ito. Suntok sa buwan ang pagsasakatuparan ng misyon, sapagkat ang balakid ay distansya. Tunay nga, distansya ang naghihiwalay sa pagkakabuo ng koneksyon sa’yo bilang Guro at ng iyong mga papastuling mga bata- ang koneksyon ng kalidad na edukasyon.”

Joseph D. Ramiscal

Technological University of the Philippines — Manila

“Mejo maluwag luwag ako ngayon dahil sa academic freedom na meron ako sa kolehiyo. Nakakapagod din magprepare ng mga lessons at activities pero worth it naman kasi may mga bago akong natututunan sa mga paksang inaaral ko.

Sa kabilang banda, ilang beses kong pinagiisipan kung paano magiging akma ang mga ipapagawa ko sa sitwasyon nila. Kailangan kasi maging flexible ang mga guro lalo na mahirap sitwasyon ngayon.

Medyo nababahala ako sa internet connection pag nagsynchronous meeting. Sana hindi ako biguin ni SkyCable. So far, I have the access and affordability.

Sa ngayon, para mas maintindihan ko ang mga magiging estudyante ko, binabasa ko ang mga rants at posts sa Freedom wall page nila.”

Rayns Keneth Ampon

STI College Calamba

“Nananatiling hamon ang pandemya sa pagtuturo ngayon, ngunit mas maalab ang hangarin namin na buhayin ang dagitab ng pag-asa sa puso ng bawat mag-aaral. Marami mang balakid ay maari pa din na itaguyod ang pag-aaral lalo’t higit ang pangangailangan sa mga inpormasyong lilinang sa kanilang kaalaman sa bansa, akademiko, kalikasan at sarili.”

April Rose Ronario

St. Joseph Parochial School

“Kahit kailan, hindi naging madali ang maging isang guro. Ngayong panahon ng pandemya, lalo pa itong humirap; mas nakakapagod. Pakiramdam ko, kulang na kulang ang 24 oras sa isang araw. Mahirap… pero masaya.

May programa ang sistema ng mga Katolikong paaralan dito sa Cavite kung saan, tuloy ang pag-aaral, may internet connection man o wala ang isang estudyante. Oo, mas mahirap, pero masaya. Mas napalapit ako sa advisory class ko, dahil sa individual consultation and kamustahan. Kahit hindi ko sila nakikita, secured ang communication lines. Paulit ulit kong sasabihin na mahirap ‘to, mas nakakapagod, kulang ang oras, mas madaming gawain, idagdag mo pa ang kabi-kabilang reklamo pero masaya pa rin ako dahil patuloy ang pagkatuto ng mga bata sa kabila ng pandemyang ito. Pandemya ka lang, Titser ako!”

Juniesy Estanislao

Ingenium School

“Ang pandemyang ito ay sumubok sa katatagan natin bilang mga tao. Dahil sa pangyayaring ito, maraming mga pagkakatanto at reyalisasyon ang tumatak sa aking puso at isipan; na hindi natin hawak ang ihahanda ng bukas para sa ating lahat. Anu’t-ano pa man, kinakailangan nating lumaban at suungin ang hampas ng mga along sumasalubong sa atin sa kasalukuyan upang maitawid at maiparanas sa mga mag-aaral ang pagtuturong mayroong kalidad at kalinangan — patungo sa pagpaslang sa kamangmangan na magdudulot sa mas magandang kinabukasan sa kanilang lahat. Ipinakita ng pandemyang ito ang mga pagbabagong dapat pang maganap sa kabuoang sistemang pang-edukasyon na sama-samang tinutugunan ng kaguruan sa bansa. Para sa akin, parang bumalik sa umpisa ang lahat na para bang unang araw kong muli sa pagtuturo. Gayunpaman, ang mga hamong ito ang magiging daan sa atin upang tumatag bilang tagapagtaguyod ng karunungan sa bansa.”

Jon Henry B. Ordoñez

Central Luzon Doctors’ Hospital — Educational Institution

“Ngayon mas lalong nasukat ang kapasidad ko bilang isang guro. Hindi dahil sa pagod na dulot ng araw-araw na pagtatama sa mga bata, kundi sa pagpapaliwanag sa kanila kung ano pa ba ang maituturing na tama?

Samu’t saring opinyon ang kinakaharap nila araw-araw, at bilang pangunahing tao na pagkukuhanan nila ng katatagan sa prinsipyong tatahakin nila, bilang guro, hindi ko dapat itago ang sarili ko sa katotohanang, may obligasyon akong ilabas ang kaisipan nila. Hindi harang ang ‘lockdown’ upang ikulong din sa isang espasyo ang kanilang kamalayan.

Ang buhay ng guro — may lockdown man o wala, ay mananatiling nakaugat sa pagmulat.”

--

--