Ang Kahalagahan ng Pagsusulat

Victoria Garcia
Vox Populi PH
Published in
5 min readNov 17, 2020
(LARAWAN | STORIES)

May isang matandang manunulat ang nagsabi sa akin noon na maraming manunulat ang lumalapit sa kaniya kapag nagsimula na ang screening process ng Palanca. May ilang pangalan siyang nabanggit na palagi raw siyang niyayaya na magkape para pag-usapan ang mga sinusulat nilang proyekto. Palagi raw nilang nababanggit ang pamagat ng kanilang mga akda. “Iyang si Epto, lahat kaibigan n’yan mula kay Rio hanggang sa akin,” ang natatandaan kong sabi niya.

Habang tumatagal ako sa pagsusulat, nakita ko na siguro kung paano gumagana ang panitikan ng Pilipinas. Malaking bahagi ng pagiging manunulat ang pag-iipon ng mga award dahil ito ang nagsasabi sa akademya na kailangan na silang basahin. Ito rin ang nagdidikta kung magkano ang kikitain ng isang manunulat para sa kaniyang koleksiyon ng mga akda, o nobela. Kapag nanalo ang isang manunulat ng Palanca, lalo na sa nobela, isa na siya sa titingalain ng mga batang manunulat. Siguradong dadami ang magiging tagasunod niya at hihingan na siya ng opinyon tungkol sa pagsusulat.

Sa Pilipinas, isang karera ang pagiging manunulat. Lahat ay nag-uunahan para sa mga gantimpala, ang malathala sa mga kilalang publikasyon, at kilalang mga journal. Pero, kakaunti lang siguro ang nagsusulat dahil may gustong sabihin at may sinasabi. Sino nga naman ang magsusulat ng libre sa kasalukuyang kondisyon ng Pilipinas na kakapiranggot ang pagpapahalaga sa sining. Ilan-ilan pa lang ang manunulat na hindi iniisip ang karera nila sa mundo ng panitikan.

Bakit mo kakalabanin ang mga taong “tutulong” sa ‘yo para maging isang “lehitimong” manunulat?

Ang mga institusyon ang pumipili kung sino ang dapat at hindi dapat maging manunulat. Dinudurog ng akademya ang kahit sinong manunulat na matabil ang dila at bastos kung magsulat. Ang binibigyang halaga ng mga institusyon ay panatilihin ang kanilang pag-iral sa mundo ng panitikan. Katulad ito ng monopolisasyon na ginagawa ng mga dambuhalang negosyo.

Higit sa kahit anong panahon, kinakailangan natin ng mga manunulat na marunong magsuri ng lipunan at kayang isulat ang mga makikita niya nang hindi iniisip ang sasabihin ng mga institusyon. Kapag mayroong nakamasid sa pagsusulat, aasahan nating may mga salitang hindi babanggitin ang manunulat, may mga paksang hindi tatalakayin, at mga isyu na hindi sisisirin. Sa isang (post)modernong mundo natin, mas kinakailangan na himayin ang buhol-buhol na tali ng lipunan.

Nagsusulat ako hindi para makilala, nagsusulat ako dahil mahalaga para sa akin na malaman ng mga tao ang mga alternatibong ideya na pupuwede nating hawakan para makasulong. Hindi ko kailangang makilala sa isang akda, ang gusto ko ay angkinin ng mambabasa ang mga sinasabi ko na parang sila ang nagsalita. Hindi naman orihinal ang mga sinasabi ko sa mga isinusulat ko, mula ito sa napakahabang kasaysayan ng pag-unlad ng karunungan ng tao. Utang ko sa mga manunulat na hinarap/hinaharap ang kanilang panahon ang mga isinusulat ko. Kung hindi dahil sa mga manunulat na nabasa ko, hindi ko mabubuo ang pagtingin ko sa mundo at ang mga hinihiling ko na mangyari sa hinaharap.

Ang manunulat ang pundasyon ng mga ideyang hindi direktang aalalahanin ng mambabasa. Tinatanggap ng mga mambabasa ang isang sulatin, hindi para kabisaduhin, kung hindi para damhin ang isinusulat ng manunulat. Kaya mahalaga na makita natin ang pagiging tao ng isang tauhan, kaya mahalaga rin na alam ng manunulat kung paano maging isang tao.

Minsan ko nang tinanong kung bakit kaunti lang ang manunulat sa Pilipinas, bakit kakaunti lang ang mga akdang naisasalin sa Ingles, at bakit bilang sa daliri ang mga babaeng manunulat? Doon ko napansin na ang mga institusyon ay binubuo ng mga lalaking manunulat. Mayroong malaking bahagi ang kasarian dito dahil magkaiba ang sensibilidad ng lalaki sa sensibilidad ng babae. Magkaiba ang kanilang karanasan sa buhay, at magkaiba ang kanilang pagtingin sa isa’t-isa. Kaya kapag nagsulat tungkol sa rape ang isang babaeng manunulat, malimit itong makakatanggap ng mga komento tungkol sa kahinaan ng kaniyang mga tauhan, na parang dapat malakas palagi ang babaeng tauhan sa isang kuwento.

Ang pagsusulat ay pagpapakita ng kahinaan at kalakasan, ng pagtutunggali at pagkakaisa. Sinasagot dapat nito kung paano tayo magkakaroon ng kaisahan at hindi kung paano tayo mas magkakahiwalay. Dapat din nitong hinaharap ang humahawak ng kapangyarihan at dapat nitong hanapin kung paano makakatakas sa tanikala ng paghahanap ng pansariling saysay sa lipunan.

Makapangyarihan ang pagsusulat, ang sabi nila. Pero para sa akin, makapangyarihan ang pagsusulat kung matapang ang manunulat. Hindi sumusugat ang salita ng isang manunulat na naghahabol ng parangal, at sa maraming pagkakataon sila rin ang mga manunulat na hindi binabasa. Nakakulong sila sa obsesyon ng mga patimpalak, isang adiksyong umaaswang sa panitikan ng Pilipinas, at isang dead-end para sa mga nangangarap maging manunulat.

Kung may mga manunulat lang na maglalakas-loob na gawin ang ginawa ng mga miyembro ng “Agos sa Disyerto” na maglathala sa labas ng karaniwan, kung may isang grupong mabubuo na magpupursiging ipakilala kung ano ang panitikang labas sa mata ng mga institusyon, baka may lumabas na santelmong magbibigay-daan sa mga Pilipinong manunulat na mas maging matapang sa kanilang panulat at magbibigay-daan sa mga panibagong mambabasa na hindi na lang makukuntento sa kilig. Pero isa ring patibong ang pagtatangkang ito, dahil palaging handa ang mga insitusyong yakapin ang kahit sino na magpapawala ng kanilang saysay sa mundo ng panitikan.

Palagi itong bumabalik sa pangangailangan. Ang sabi pa nga nila, mas nagiging taksil ang taong nagigipit. Kaya palagi kong inaalala ang mga taong binabanggit ng isang matandang manunulat sa akin noon. Nabulag siguro sila ng kagustuhang maging isang manunulat nang hindi nakikita ang responsibilidad nito sa taong bayan. Pero ano pa nga bang aasahan mo sa isang lipunang bumubuo ng indibiduwal at hindi ng komunidad?

Kaya mahalaga ang pagsusulat kahit parang walang nagbabasa. Dahil isang araw, mayroong maliligaw sa pahina ng inyong mga akda at doon magsisimulang magbago ang kanilang buhay.

Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring kumonek sa kaniya sa Minds o mag-email sa victoria@voxpopuliph.com.

--

--

Victoria Garcia
Vox Populi PH

Kasalukuyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon. Email: victoria@voxpopuliph.com