“Perlas ng Silangan”

Anja dela Vega
The Innovator Blog
Published in
2 min readJun 12, 2017
Art by Angge Co

Kalayaan! Sigaw na nagbigay ng buhay sa panibagong bukas

Adhikaing ipinaglaban, magbigay lamang ng lunas

Sulyap sa kalangitang payapa at kaguluhang may wakas

Ating hinahanap sa bawat isa ang lakas

Rebolusyong inialay ang bilang ng mga buhay

Ihinandog ang dugo’t pawis, makamit lamang ang tunay

Nagsimula sa pagukit ng mahal na Bonaficio; “Viva la independenia Filipina!”

Layon na ipamahagi sa mundo, nagnanais ng kalayaan ang bayan ko

Araw ng kalayaan, kailan ka makakamtan?

Nang aking maranasan ang lipad ng tila ibong may kasarinlan

Nasadlak sa dusa, ang bayan kong mahal, binihag ka

Gumuho man ang paghangad, hindi hahayaang mawalay ka

Binuhay sa bawat puso ng lumabang Pilipino

Ang tunay na kahulugan ng kasarinlang nagulo

Yumao ka kapatid, at ipaglaban ang bayan

Atin ng maaasam ang hinahangad na kalayaan

Narito na ang bughaw na langit at luntiang lupain, ito ay atin

Kinilala ang kalayaan, ngayong Hunyo Labingdalawa

Oh Pilipinas, lupain ng ginto’t bulaklak

Ngayo’y iyong ipahayag, ang pag-ibig sa iyong palad

Gumuho man ng minsan, may bukas na nakaabang

Pilipino kapatid ko, lahi natin ito

Ikahiya ay hindi, ang nananalaytay na dugo

Lumikha, humimok, magtatag at magsagawa

Ipakita ang sakdal na laya ay narito na

Panatiliing buhay sa bawat mamamayan

Itong Pilipinas, ay ating ipinaglalaban

Ngayon , bukas at magpakailan paman

Ating ang bayang ito, walang bahid ng pagaalinlangan

Sayo, akin at kanila, ang Perlas ng silangan

--

--