The Lowdown: Magulo Ang Eleksyon, Parang Buhay Ng Tao
Ang artikulong ito ay parte ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa eleksyon at paano pumili ng tama.
- Magulo Ang Eleksyon, Parang Buhay Ng Tao
- Pumili Ng Tama, Huwag Padadala
- Pagboto — Gawin Ng Tama, Maging Handa
Ang ating mga pagkakaiba ang dahilan bakit tayong lahat ay bukod-tangi. Sa isang perpektong mundo, ang mga pagkakaibang ito ay ipinagbubunyi. Lahat ng ideya ay pinapakinggan, hinihimay ang bawat detalye, pagtatalunan ang pagkakaiba ng mga ito pero pipiliin pa rin ang mas makabubuti para sa lahat. Sa kasamaang palad, hindi perpekto ang mundong ito, at ang katotohanan ay nag-iiba ng anyo depende sa kung saan nakatayo at nakatingin ang isang tao. Tulad nga ng sabi ng bandang The Youth, magulo ang buhay ng tao. Kitang-kita ito sa kung paano pinoproseso ng mga tao ang mga pangyayari ngayong panahon ng eleksyon.
Ibang klase ang panahon ng eleksyon ngayong 2022. Tayo ay nasa panahon na parang nagiging relihiyon na ng mga tao ang pulitika, na parang umaabot sa punto na sinasamba na ng mga tao ang mga kandidato nila. Ang mga pagkakaiba sa posisyong pulitikal, partikular na ang iba-ibang napupusuang mga kandidato, ay nagiging dahilan ng mga bangayan sa internet at sa totoong buhay. Tila nawalan tayo ng kakayahang makinig sa ibang opinyon at sinadya nating isara ang ating mga tainga sa lahat ng punto na salungat sa pinaniniwalaan nating tama. Alam ko ang rason kung bakit nagkaganito. Ito ay dahil sa social media.
Salamat sa social media, ang bilis ng palitan ng impormasyon. May mangyari lang sa isang lugar, wala pang isang oras naipaalam na sa lahat ang nangyari. Subalit social media din mismo ang numero unong pinagmumulan ng mali o mapanlinlang na impormasyon. Ang problema sa social media, nasa disenyo mismo nila na ibase sa paggamit ng isang user ang mga susunod na posts na makikita nila.
Halimbawa, kung naghahanap ka ng sofa sa Facebook Marketplace, mataas ang tiyansa na pakitaan ka ng Facebook ng mga post o ng mga listing ng iba pang sofa sa iyong news feed. Dahil nagtingin ka ng mga sofa sa Marketplace, ilan o marami sa mga susunod na posts na lalabas sa iyong news feed ay konektado sa sofa.
Ganoon din pagdating sa fake news. Kung palaging fake news ang tinitignan, pinopost, at shineshare mo sa page mo, puro fake news din ang makikita mo sa news feed mo. Nagiging problema ito dahil ang social media ay kadalasang ginagamit ng mga tao sa kanilang pribadong oras. Dahil dito, malamang sa malamang ay walang kahit na sinong nakakapagtama ng mga maling impormasyon na ito sa taong nakakabasa, nakakarinig, o nakakapanood. Ang masama pa nito, ang paulit-ulit na exposure sa mga ganitong kasinungalingan ay lumilikha ng isang echo chamber kapag ang mga taong na-expose sa maling impormasyon ay nagsama-sama. Kapag nasa isang echo chamber na ang isang tao, mahirap na baguhin ang kanyang mga pananaw.
Idagdag pa sa problema ang kakulangan sa attention span ng marami sa atin. Sa sobrang bilis ng impormasyon, hindi na nagagawang maproseso ng mga tao ang mga nakikita nila. Nagdudulot ito ng higit na pagkakagulo sa mga paniniwala ng mga tao dahil natural lang sa atin bilang mga tao na: una, makita ang mga bagay-bagay base sa ating inisyal na paniniwala, at; pangalawa, ipagtanggol ang ating paniniwala at labanan ang kahit ano na kontra sa paniniwalang iyon. Ang tawag dito ay cognitive dissonance.
Tunay na iba-iba ang mga uri ng tao sa mundo. Pero isa lang ang masisiguro natin: marami sa atin ang sarado ang pag-iisip pagdating sa mga position o opinyon na salungat sa anumang pinaniniwalaan natin. Siguradong meron at merong isa o higit pang aspeto ng buhay natin na ayaw nating magbago at ayaw rin nating pinakikialaman ng ibang tao. Naiintindihan ko kung ganoon ang mga tao pagdating sa kanilang personal na buhay. Pero di ko maintindihan bakit pati sa mga bagay ukol sa eleksyon ay ganun din sila mag-isip.
May mga tao na pinipili na hindi gamitin ang kanilang karapatan na bumoto ng mga taong magpapatakbo sa bansa. Sa mata nila, wala rin maitutulong ang mga nauupo sa pwesto dahil wala silang ibang ginawa kundi magpalaki ng tiyan at magpayaman. Sa iba naman, iniisip nila na hindi sila apektado ng mga nangyayari sa bansa kaya walang problema kung hindi sila makikialam. Kung iisipin nga naman, napakadaling huwag pansinin ng mga bagay-bagay kung hindi ka direktang apektado ng mga bagay na iyon.
Meron din mga taong ayaw baguhin ang sitwasyon sa bansa dahil higit silang nakikinabang sa sistema. Napakadali rin na hindi pansinin ang mga bagay-bagay kung malaki ang pakinabang nila sa sitwasyon. Sa isip nila, “Bakit kailangang palitan ang sistema? Maunlad naman ang pamumuhay namin. Wala naman sa aming nagugutom.”
Napakadaling magsalita tungkol sa mga bagay na hindi natin lubos na naiintindihan lalo na kung hindi tayo apektado ng mga nararanasan ng mga taong pinahihirapan ng sistema. Napakadaling sabihin na, “bakit hindi sila magtrabaho kung nagugutom sila?” o kaya, “bakit sila nagrereklamo eh may kinikita naman sila sa trabaho nila?” kung ikaw ay nasa isang magandang bahay na hindi mo pinundar o pinaghirapan, habang kumakain ng masarap na pagkain sa isang porselanang plato na inihain sa iyo.
Sabi mo siguro, “hindi naman ako anak mayaman at pinaghirapan ko naman ang lahat ng meron ako.” Mas malala pa iyon kasi ikaw, pinaghihirapan mo ang kung anong meron ka. Ang mga pulitiko na nasa pwesto, wala lang, nandoon lang sila para magpayaman at magpalaki ng tiyan na parang mga baboy sa isang kural. Tapos isipin mo, ikaw at ang binabayad mong buwis ang nagpapayaman sa kanila. Kung sana may choice kang pumili ng maluluklok sa pwesto, di ba? Isang prosesong may kapangyarihan ang mga taong tulad mo para pumili ng mga lider na sana’y magpapaganda ng buhay para sa mga taong naghahanap-buhay ng marangal tulad mo. Kung sana may ganun lang na proseso para napapalitan ang mga pulpol na namumuno… (eleksyon ang tawag doon, kung di mo nakuha ang panunuya ko)
May mga nagsasabi rin na ayaw nilang bumoto dahil pare-pareho lang naman silang mga pulitiko. May katotohanan naman sa pahayag na iyon. Pero ang kinaganda ngayon, unti-unti na namumulat ang mga Pilipino sa katotohanan, at ilan sa kanila ang sumali sa pulitika ng may magandang hangarin. Malalaman natin na totoo ito kung oobserbahan natin ang ilan sa kanila. Marami sa kanila na bago pa naging pulitiko, may mga natutulungan na. Marami din sa kanila na tinuloy ang kanilang adhikain matapos silang maluklok sa pwesto. Nariyan lang sila sa paligid, nangangampanya at binabahagi sa mga tao ang mga nagawa nila at kaya pa nilang gawin. Kailangan lang natin suriin at kilalanin ang mga taong ito kung talagang ang layunin nila ay mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Kailangang makialam dahil hindi naman lahat ng tao ay may pribilehiyong mamuhay ng matiwasay. Marami sa atin ang abalang-abala na gawin ang lahat para lang mabuhay. Marami rin sa atin na paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng sistema na kahit ano pang gawin nila, hindi nila magawang pagandahin ang buhay nila. Kung ako ang tatanungin, kahit pa magiging makasarili akong tao, gusto ko ay maging patas ang oportunidad para sa lahat dahil hindi naman araw-araw ay pasko. Gusto ko na kung mawala man ang lahat sa akin, may pribilehiyo pa rin akong makabangon muli. Mangyayari lamang ito kung ang mga mambabatas na pipiliin natin ay nakapokus sa mga suliranin ng mga mamamayan natin.
Hindi lang mga taong ayaw bumoto ang problema natin. Sa kabilang banda ay ang mga taong hayok na hayok sa pagboto. Kung susuriin, iba-iba sila ng rason. Pero kung tutuusin, isa o lahat ng ito ang pinagsimulan ng mga paniniwala nila.
- May mga taong gustong bumoto dahil para sa kanila, ito ay pagtama ng kasaysayan. Naniniwala silang ang Martial Law ay ang “golden years” ng Pilipinas. Ito raw ay “renaissance” ng bansa pagdating sa imprastraktura, sining, agrikultura, at marami pang iba.
Ayon sa kanila, hindi ka naman masasaktan noon kung matino kang mamamayan at kung hindi ka nabibilang o tumutulong sa mga rebelde.
Maraming peer-reviewed na research documents na inilabas ukol sa paksang ito. Pero ang paniniwala nila, “history is written by the victors” at ayaw nilang maniwala sa official accounts ng mga taong nakatikim ng galit ng Martial Law.
Naniniwala rin ang marami sa kanila na walang kaso ang pangungurakot dahil gawain naman daw iyon ng lahat ng pulitiko. Ang importante sa kanila ay may nakikita silang nabuo kahit pa nabaon ang bansang ito sa utang. - May mga tao rin naman na naniniwalang ang eleksyon na ito ang tamang panahon para makaganti sa mga pagkukulang at kapalpakan ng Liberal Party. Para sa kanila, kahit sino na ang manalo, huwag lang manalo ang kandidato na nagmula sa Liberal Party pero nagbibihis na independiente. Revenge vote ang tawag ng ilan dito.
- May iilan din na sukdulan ang paniniwala sa mga kandidato nila na ang pag-insulto sa mga ito ay parang pag-insulto sa Diyos. Naniniwala silang wala nang ibang pag-asa kundi ang mga pulitikong pinaniniwalaan nila. Ilan sa mga ito, hindi na gumagamit ng lohika at katotohanan sa kanilang pagpili. Madali silang maniwala sa mga bagay na pabor sa manok nila, at madali rin silang maniwala sa mga kasiraan na kumakalat tungkol sa mga tinuturing nilang kalaban, kahit pa mapatunayang hindi totoo ang mga ito.
- Syempre, meron din mga bumoboto dahil “gwapo” o “maganda” ang kandidato. Kasi nga naman, ang itsura ng tao ay naaayon din sa kalooban nya at sa kakayahan nyang magsilbi. (nanunuya ulit ako, huwag maging hangal tulad ng mga taong ito)
Hindi ako makapaniwala na kailangan pang sabihin ang puntong ito: wala sa mga taong ito ang makakapagligtas sa atin. Hindi sila ang susi sa progreso at hindi sila ang mag-aahon sa bansang ito sa kahirapan. Hindi sila tagapagligtas na kailangan nating sambahin. Wala tayong utang na loob sa kanila, bagkus sila ang may utang na loob sa atin dahil hindi naman sila makararating sa paroroonan nila kung hindi dahil sa atin.
Hindi rin sila dapat tinuturing na banal o tagapagligtas. Ito ay mga taong pinipili natin para gawin ang trabaho na ayaw nating gawin. Mga tao rin silang tulad natin na may kanya-kanyang adyenda at rason kung bakit gusto nilang kunin ang trabaho. Binabayaran natin sila para gawin ang trabaho nila. Kaya hindi tamang sila’y sambahin o pagkatiwalaan ng lubos.
Marami ang nakasalalay sa halalan na parating. Alam kong marami na ang nagsabi nito sa mga nakaraang eleksyon, pero sasabihin ko na ito marahil ang pinaka-importanteng eleksyon sa henerasyon na ito. Masyadong marami ang nakataya: kasaysayan, kaunlaran, oportunidad para sa mga mahihirap, at marami pang iba. Huwag nating hayaan na pakinabangan at pagsamantalahan pa tayong muli ng mga taong may maiitim na budhi.
Kaya hinihimok ko ang lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan na maaari na bumoto, na gamitin ang ating karapatan. Tayo na’t bumoto ngayong darating na Mayo. At kung boboto tayo, siguraduhin natin na tama ang pipiliin natin. Pag-aralan natin ang mga plataporma ng mga kandidato natin. Siguraduhin natin na ang impormasyon na gagamitin natin sa pagpili ay makatotohanan at hindi nag-uugat sa fake news.
Ito ay isa sa mga artikulong sinulat ko tungkol sa parating na eleksyon. Gumawa ako ng listahan ng mga bagay na maaari nating gamitin na basehan sa pagpili ng kandidato, mapa-presidente man yan o congressman. Ilalagay ko ang link dito matapos na ito ay mai-post sa aking page.
Thank you for reading this post.
If you find this article interesting, hit the 👏 button and share this article.
My articles are released on Medium and on my website www.thebeet21.com