The Lowdown: Pagboto — Gawin Ng Tama, Maging Handa
This article was published in thebeet21.com on the 7th of May 2022.
Ang artikulong ito ay parte ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa eleksyon at paano pumili ng tama.
- Magulo Ang Eleksyon, Parang Buhay Ng Tao
- Pumili Ng Tama, Huwag Padadala
- Pagboto — Gawin Ng Tama, Maging Handa
Pagkatapos nating talakayin ang mga rason bakit natin kailangang bumoto at anu-ano ang mga dapat nating tignan bago tayo pumili ng iboboto, pag-usapan naman natin ang tamang proseso sa pagboto.
Ang halalan ngayong 2022 ay tinatawag din na isang general election. Sa isang general election, tayo’y naghahalal ng mga sumusunod:
- Presidente at bise presidente
- 12 senador
- 316 congresista na magmumula sa iba-ibang distrito o probinsya sa Pilipinas
- Mahigit 18,000 lokal na mga posisyon, mula sa gobernador, alkalde, at iba-iba pang mga posisyon sa mga lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas
- Mga party list na bubuo ng 20 porsyento ng buong kongreso suma total
Madali lang ang proseso ng pagboto. Pero bago ka bumoto, tignan mo muna kung rehistrado ka.
May online system ang COMELEC na pwede nating gamitin para alamin kung rehistrado ang isang tao. Gamit ang sistemang ito, madali rin nating malalaman ang numero ng presinto na kailangan nating puntahan. Bisitahin ang Voter Verifier sa https://voterverifier.comelec.gov.ph.
Pagbukas ng sinabing website, kailangan mong pumili kung lokal na rehistro ba ang hinahanap mo o overseas (para sa ating mga kababayan na OFW). Para sa ating demonstrasyon, pipiliin natin ang LOCAL.
I-type lang natin ang mga hinihinging impormasyon sa bawat patlang. Maari din pong piliin natin ang probinsya at munisipalidad kung saan tayo nakarehistro. Bago natin pindutin ang Search, kailangan muna natin i-click ang check sa gilid ng “I’m not a robot” para mapatunayan na tao tayo at hindi program na ginawa para i-hack ang sistema ng COMELEC.
Kung ikaw ay rehistrado, makikita mo ang iyong impormasyon, kasama ang kung saan ka boboto, at saang presinto ka nabibilang. Makikita mo rin sa ibaba ang salitang “Active” kung maaari kang bumoto.
Kapag ACTIVE ang nakita mo sa resulta, maaari kang bumoto sa ika-9 ng Mayo ngayong taon.
Ano ang mga dapat nating gawin bago tayo pumunta sa presinto kung saan tayo boboto? Ito ang ilan sa mga bagay na dapat natin gawin at isaalang-alang:
- Dahil bawal na magdala o magsuot ng campaign materials sa araw ng eleksyon, siguraduhing hindi tayo magsusuot ng anumang damit o palamuti na may pangalan ng kahit sinong kandidato o kaya kulay na ginamit nila sa pangangampanya. Mas magandang magsuot ng puting damit o kaya anumang damit o palamuti na hindi maiuugnay sa sinumang kandidato.
- Ihanda ang listahan ng ating mga iboboto pati ang numero nila sa balota. Posible kasing malimutan natin ang pangalan nila at may mga pagkakataon na may mga kapangalan sila sa balota. Mabuti na rin na ilagay ang listahan na ito sa papel at hindi sa cellphone. Huwag din magdala ng kodigo na may litrato ng mga kandidato.
- Magsuot ng face mask at magdala ng alcohol para maiwasan ang pagkalat ng sakit. Para sa mga lugar kung saan nangangailangan ng face shield, magdala rin ng face shield.
- Magdala ng ID. Hindi ito kailangan pero baka biglang kailanganin dahil sa anumang rason.
- Magdala ng ballpen. Ito ay para lamang sa pagpirma sa voter’s list. May hiwalay na panulat na gagamitin sa mismong balota, na ibibigay kasama na rin ng balota.
- Kung maaari, huwag na magdala ng cellphone. Maraming tao sa botohan at hindi mo malaman kung botante ba sila o mga taong gusto lang manamantala. Mabuti na ang sigurado. Isa pa, bawal rin kunan ng litrato ang balota o ang resibo.
- Huwag kalimutan na magdala ng tubig dahil mainit sa botohan at baka matagalan tayo sa pila.
Tulad ng nasabi sa itaas, ang eleksyon ay gaganapin sa Lunes, ika-9 ng Mayo 2022. Maaari tayong bumoto mula ika-6 ng umaga hanggang ika-7 ng gabi.
Pumunta tayo sa presinto kung saan tayo itinalaga. Maaari nating tignan ang listahan sa labas ng presinto para masigurong nandoon ang ating pangalan. Pero hindi na ito kailangan kung nakita na natin ang ating impormasyon sa online precinct finder.
Pumila tayo ng tama habang naghihintay ng ating pagkakataon na bumoto. Prayoridad sa pila ang mga senior citizens, mga buntis, at mga may kapansanan.
Kapag nasa unahan na tayo ng pila, kunin natin ang balota at marking pen sa Board of Election Inspectors (BEI) na naghihintay sa labas. Pero bago nila ibigay ang mga ito, titignan muna nila kung may indelible ink na tayo sa daliri at kung naroon tayo sa voter’s list.
Siguraduhin na ang balota na ibinigay sa atin ay malinis at walang punit o marka. Kung malabo ang balota na ating nakuha, papalitan ito agad.
Magtungo sa voting area upang bumoto. Ito na ang pinakahihintay nating pagkakataon. Huwag nating sayangin ang oportunidad na ito!
Ito ang ilan sa mga bagay na kailangan nating tandaan pagdating sa pagboto:
- Siguraduhing ang marking pen lang na binigay ng BEI ang ating gagamitin sa pag-iitim ng mga bilog.
- Mag-ingat na itiman ang mga bilog sa balota. Huwag hayaang lumagpas o kulangin ang laman ng bilog. Huwag rin didiinan dahil may posibilidad na tumagos ang tinta ng marking pen sa likod.
- At opo, baliktaran ang ating mga balota. Meron sa harap at likod. Kaya dapat ay banayad lang tayo sa pagsusulat.
- Shade po ang gagawin natin sa balota. Hindi check, hindi ekis, hindi anumang guhit. Shade lamang po.
- Huwag rin magsulat ng kahit ano sa balota. Wala tayong ibang gagawin sa balota kundi itiman ang mga bilog.
- Ang bilog na dapat nating itiman ay nasa kaliwa (left) ng pangalan ng kandidato na ating gustong iboto. Siguraduhin na tama ang bilog na ating iitiman.
- Sundin ang gabay na nakasulat sa balota. Basahing mabuti ang mga gabay na ito para hindi tayo magkamali. Ang anumang pagkakamali ay maaaring maging sanhi ng hindi pagkabilang ng ating mga boto.
- Hindi rin pwedeng magkamali dahil sakto lang ang bilang ng mga balota sa bilang ng mga botante. May nakahanda lang na iilang pasobra kung sakaling may depekto ang balota na ating nakuha.
- Kung gusto nating bumoto ng kulang sa bilang na nasa gabay, o kung gusto nating huwag bumoto sa nasabing posisyon, maaari itong gawin. Uulitin ko, OK LANG MAG-ABSTAIN O MAG-UNDERVOTE. Kung gusto mong blangko ang balota na ipapasok mo sa machine, wala rin problema doon. Karapatan mo iyon bilang botanteng Pilipino. Pero…
- Hindi pwedeng bumoto ng higit pa sa sinasabi ng gabay. Kung sabi ng gabay na pumili lang ng isang presidente, isang presidente lang ang pipiliin natin. Isang bise, labindalawang senador, at kung anu-ano pa. Uulitin ko, HINDI OK ANG MAG-OVERVOTE.
- Bawal na bawal na kunan ng litrato ang ating balota.
Pagkatapos nito, ipapasok na natin ang balota sa Vote Counting Machine (VCM). Huwag hayaan na ipasok ng ibang tao ang iyong balota. Ang botante mismo ang dapat magpasok ng balota sa VCM.
Hintayin natin na lumabas ang resibo. Gugupitin ito ng isang election worker at ibibigay sa iyo para iyong tignan. Huwag itong ilalabas ng presinto o kunan ng litrato. Ito ay para lang makita kung tama ang pagkakabasa ng VCM sa iyong balota at hindi mo ito dapat kunin o ipakita sa iba. Lalagyan ka rin ng indelible ink sa iyong kuko.
Pagkatapos tignan ang resibo at wala kang nakitang problema, ihulog ang resibo sa itinalagang kahon para sa mga resibo. Kung may problema, ipaalam ito agad sa isa sa mga BEI.
At finish na! Ikaw ay tapos na bumoto. Maaari mo na kunan ng litrato ang daliri mong may indelible ink at ipagmalaki sa mga tao na ginamit mo ang iyong karapatan na pumili ng mga lider na pinaniniwalaan mong makakatulong sa ating bansa.
Nawa’y nakatulong sa inyo ang trilohiyang isinulat ko tungkol sa eleksyon. Sana ay iboto natin ang mga taong alam natin na gagawa ng mabuti at hindi pagsasamantalahan ang sistema.
Thank you for reading this post.
If you find this article interesting, hit the 👏 button and share this article.
My articles are released on Medium and on my website www.thebeet21.com