The Lowdown: Pumili Ng Tama, Huwag Padadala
Ang artikulong ito ay parte ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa eleksyon at paano pumili ng tama.
- Magulo Ang Eleksyon, Parang Buhay Ng Tao
- Pumili Ng Tama, Huwag Padadala
- Pagboto — Gawin Ng Tama, Maging Handa
Pagkatapos natin maipakita ang kahalagahan ng ating karapatan na bumoto, atin namang tatalakayin ang mga bagay na dapat nating isaalang-alang sa pagpili ng ating mga iboboto.
Bilang mga botante, ating responsibilidad na iluklok sa pwesto ang mga taong nararapat na mamuno at maglingkod para sa kapakanan ng bansa. Subalit kung inyong mapapansin, nagmumukhang hindi epektibo ang pagpili nating mga Pilipino. Madali tayong madala ng emosyon, ng matatamis na salita, at ng mga pangako na sa kalauna’y mapapako rin.
Naniniwala ako na ang Pilipinas ay napupuno ng mga matatalino at masisikap na Pilipino. Ngunit palagi na lang tayong nabibiktima (o nagpapabiktima) sa mga mapansamantalang mga pulitiko na walang ibang ginawa kundi magpayaman at nakawin ang ating binabayad na buwis. Mantakin mo, meron nga na nakulong na, patong-patong ang ebidensya laban sa kanila, mananalo pa sa eleksyon. Alam mo na ngang nangungurakot, iboboto mo pa? Bakit parang hindi tayo natututo?
Ang daling isipin na wala naman tayong magagawa at hayaan na lang. Tulad ng isang toxic na relasyon, parang mas madali ang tanggapin na lang natin ang mapait nating kapalaran. Pero meron tayong magagawa. Kaya nga meron tayong eleksyon. Meron tayong magagawa, at iyon ay pumili ng tama.
Paano nga ba pumili ng mga tamang kandidato? Bago ka pumili, pag-isipan mo muna ang mga ito:
Plataporma
Isa ito sa mga pinaka-importanteng bagay na dapat inilalatag ng isang kandidato. Ito ay magsisilbing listahan ng mga layunin ng isang kandidato na maaaring gawing basehan ng mga tao kung nagagampanan ba ng isang public servant ang kanyang trabaho kung sakaling siya ay manalo. Kumbaga ito ang kanyang mga pinapangakong magampanan sa loob ng kanyang termino. Ito ay dapat madaling makita at malinaw para sa lahat. Hindi ito tinatago o pinapaalam lamang sa iilang tao.
Parang panliligaw kasi ‘yan. Isipin nyo, kapag nanliligaw ang isang tao, hindi ba dapat pinapaalam ng manliligaw na nanliligaw siya? Ang nililigawan pa ba ang dapat magsaliksik o magtatanong kung nililigawan ba siya? Ang nililigawan pa ba ang sasagot sa mga tanong tungkol sa intensyon ng manliligaw nya? Hindi, ‘di ba?
Ganoon din sa plataporma. Hindi na dapat trabaho ng botante na mag-search sa internet o kaya pumunta sa mga rally para lang malaman kung ano ba ang pinaglalaban ng isang kandidato.
Responsibilidad ng isang kandidato na siguraduhin na nakikita ng lahat ang kanyang plataporma. Dahil dito, nagiging pangangailangan na ang isang kandidato ay maging bahagi ng mga debate, lalo na ang mga debate na pinangungunahan ng COMELEC. Ang mga debate na ito ay ang pinaka-epektibong paraan para ipaalam sa lahat ng mga tao ang plataporma ng mga kandidato, at sa debate rin magkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na sukatin ang kaalaman ng mga kandidato. May mga magsasabi na ilan na, “hindi na kailangan na pumunta ng kandidato ko sa debate dahil wala na siyang kailangan patunayan.” Sa iyo siguro, wala na. Pero dahil hindi lang naman ikaw ang tao sa Pilipinas, hindi lang ikaw ang kailangan nyang kumbinsihin.
Siguraduhin na may malinaw na plataporma ang isang kandidato. Kung hindi ganito at walang malinaw na plataporma, “salamat na lang sa lahat”.
Action Plan
Ang plataporma ay walang silbi kung walang action plan na kasama. Madaling sabihin na may gusto tayong mangyari. Pero kung wala tayong kongkretong plano kung paano iyon maaabot, wala rin. Ika nga, “when you fail to plan, you plan to fail.” Maganda rin na malaman ang action plan ng isang kandidato dahil mula doon, magkakaroon tayo ng ideya kung alam ba talaga niya ang totoong sitwasyon ng bansa at ng mga mamamayan nito.
Ang platapormang walang action plan ay maganda sa pandinig sa una, kalauna’y magiging hamak na pangakong napako na lang. Totoo naman na hindi lahat ng pangako na may action plan ay mangyayari. Pero sa punto na hindi mangyari ang mga pinangako ng isang public servant, mas madali silang balikan dahil meron tayong pagbabasehan.
Simple lang ang punto natin dito. Hanapin natin ang kandidato na may kakayahan na ipaliwanag ang mga plano nila at kung paano sila magagawa. Mas mainam ang maliwanag ang mga inaasahan natin kumpara sa umaasa lang tayo na gagawin nila ang trabaho nila ng wala naman tayong ideya kung alam talaga nila ang trabaho.
Karanasan sa Serbisyo Publiko (Track Record)
Importante rin ang track record ng isang kandidato. Hindi ito usapan kung ano ang magaganda niyang ginawa noong nakaraang buwan o nakaraang taon. Ang importante dito ay ang mga ginawa niya noong nakaraang tatlo, lima, pito o higit pang taon, bago pa niya naisipang tumakbo.
May likas kasing pag-uugali ang mga tao na magpakitang-gilas o magpasikat kapag meron silang kailangan. Dahil tao rin ang mga pulitiko, ganoon din sila. Baka nagiging matulungin lang pala sila nitong mga nakaraang buwan o taon dahil nagpapaganda lang sila ng imahe sa mga tao? Baka pakitang-tao lang pala ang lahat ng ginagawa nila?
Madaling maging plastik sa harap ng mga tao ng ilang araw, buwan, kahit isa, dalawang taon. Pero mahirap maging plastik ng tatlong taon o higit pa. Kaya malaking bagay na makita natin ang mga gawain nila noong nakaraang tatlong taon o higit pa, panahon bago pa nila maisip na tumakbo. Kung bago pa nila maisip na gusto nilang mahalal ay gumagawa na sila ng mabuti sa lipunan, mas mataas ang posibilidad na uunahin nila ang kapakanan ng mga nasasakupan nila kapag sila ang nanalo. Dito na nagiging importante ang tinatawag nating mga “resibo”.
Meron at meron tayong makikitang mga patunay ng kanilang magandang ginawa kung maganda talaga ang kanilang ginawa. Sa kabilang banda, meron at meron din tayong makikitang mga patunay ng kanilang masamang ginawa kung may ginawa silang hindi maganda.
Siguraduhin din natin na ang mga resibong pinapakita nila ay talagang sa kanila. Madali kasing angkinin ang mga tagumpay na pinaghirapan ng iba. Kung hindi tayo mapagmasid at mapag-usisa, hindi natin malalaman na hindi naman pala sila ang gumawa ng mga bagay na sinasabi nilang ginawa nila. Parang sa eskwelahan, may mga kaklase kang sasabihin nilang pinaghirapan ng grupo ang proyekto nyo. Pero ang totoo, ultimong pagluluto ng pancit canton hindi man siya tumulong. Wala na ngang ginawa, nakikain na nga, nang-aangkin pa ng proyekto. Sakit sa ulo, ‘di ba?
Kaya hanapin natin ang mga resibong iyon at alamin natin kung totoo sila. Iyon ang magpapatunay kung maganda talaga ang hangarin nila o hindi.
Pinagmulan
Malaking bagay din kung ang kandidato ay nirerepresenta ang mga normal na mamamayan. Kung ang mamumuno sa atin ay namuhay ng katulad ng mga nasasakupan niya, hindi lang nya naisabuhay ang mga nararanasan ng mga mamamayan ng kanyang bansa. Siguradong marami na rin siyang nakausap na mga ordinaryong mamamayan tungkol sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Alam niya rin na hindi madali ang buhay para sa lahat, at alam niya kung ano ang lubos na makakatulong sa ating lahat.
Kung ako ang tatanungin, napaka-importante nito. Ako ay isang tipikal na manggagawa na kumakayod ng limang araw (minsan anim o pito pa nga) sa isang linggo, na ang hangarin lamang ay makapagtaguyod ng isang pamilya na may sapat na edukasyon at kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi ako nagmula sa marangyang pamilya. Lumisan na sa mundong ito ang aming ama at wala akong inaasahang mamanahin kapag dumating ang araw na lilisanin na rin kami ng aming ina. Siguro ay mas sagana kami kumpara sa maraming pamilyang naghihirap sa ibang lugar. Pero ang punto ko ay anuman ang meron kami ngayon, lahat ito ay pinaghirapan namin. Hindi madali ang buhay at hindi madali ang trabaho. Pero tuloy lang. Gusto ko, ganoon din ang kandidato ko: nagmula sa mapagpakumbabang pamilya, nagsikap, at nagtagumpay sa buhay.
Sa kabilang banda, wala namang kaalam-alam ang mga mayayaman sa pamumuhay ng mga taong tulad ko. May sarili silang mundo kung saan palagi nilang nakukuha ang kanilang gusto. Hindi nila kailangang alamin ang presyo ng mga bilihin dahil hindi naman nila kailangan magtipid para mabili ang kanilang mga pangangailangan. Marami rin sa kanila na hindi na kailanman magugutom dahil umaapaw ang yaman ng kanilang pamilya. Higit sa lahat, hindi na nila kailangan pang kumayod at paghirapan ang mga gusto nilang maabot dahil nasa kanila na ang lahat. Paano ko masasabi sa sarili ko na ang taong tulad nila ay alam ang mga pangangailangan ko? Paano ko masasabi sa sarili ko na sila ang sagot sa mga suliranin ko?
Kaya doon ako sa alam kong maiintindihan ang sitwasyon ko. Alam kong hindi ako nag-iisa doon sa ideyang iyon. Kahit sino naman sigurong nasa matinong pag-iisip ay gugustuhin ang isang lider na nakakaintindi sa mga suliranin at pangangailangan nating mga ordinaryong Pilipino, ‘di ba? Kaya tingin ko, mainam na nagkaroon ng karanasan sa normal na pamumuhay at nagkaroon ng lehitimong trabaho ang kandidato na pipiliin natin.
Edukasyon
Alam ko na hindi naman lahat ng natututunan sa eskwelahan ay kailangan natin sa ating pamumuhay. Pero sa trabahong gobyerno, ang edukasyon ay importante lalo na sa paggawa at pagpapatupad ng batas.
Sa aking opinyon, napaglipasan na ng panahon ang mga pamantayan natin sa pagpili ng ating mga lider. Hindi sapat ang nakakapagbasa at nakakapagsulat lang. Dapat ang mga lider ay may kakayahan na intindihin ang mga batas na ipapatupad nila, at nararapat din na lubos na naiintindihan nila ang mga batas na ipapasa o pipirmahan nila. Dapat din na naiintindihan nila ang tamang pagpapalakad ng isang gobyerno, lokal man o para sa buong bansa. Marami sa mga trabaho ngayon, kahit pa sa ilang blue collar na trabaho, nanghihingi na ng college diploma. Bakit sa matataas na pwesto sa gobyerno, sapat na ang nakakabasa at nakakasulat? Kailangan natin ng diploma sa mga trabaho na hindi nangangailangan ng mataas na edukasyon, pero sa trabahong nakakaapekto sa lahat ng mamamayan ng bansa, hindi mataas ang pamantayan pagdating sa edukasyon? Tingin ko hindi tama iyon.
Sa aking opinyon, dapat ay naaayon ang edukasyon ng mga namumuno sa trabaho na kanilang gagampanan. Maglista tayo ng ilang halimbawa.
Kung senador o kongresista, dapat ay nakapagtapos ng abogasya o anumang kurso na may pokus sa pag-aaral ng batas. Ang bawat abogado ay may kanya-kanyang espesyalisasyon depende sa industriya na gusto nilang pagsilbihan. Kung ang mga senador o kongresista natin ay mga abogado na galing sa iba’t-ibang industriya, naniniwala ako na magiging mas makabuluhan ang mga diskurso tungkol sa mga batas dahil sila mismo ay mga iskolar sa pag-aaral ng batas at kwalipikado sila na irepresenta ang industriya na kanilang kinabibilangan. Kung hindi naman mga abogado, pwede rin naman na kumuha tayo ng mga senador at kongresista na mga eksperto ng mga industriya na ito, lalo na iyong mga mahalaga sa pagpapatakbo ng ating ekonomiya.
Kung presidente, bise presidente, o anuman na bahagi ng ehekutibo, mas maganda siguro kung pinag-aralan niya kung paano patakbuhin ng tama ang gobyerno. Maganda siguro dyan ang kursong economics, public administration, political science, o anumang kurso na nagbibigay atensyon sa kung paano ang implementasyon ng batas, kung paano tumatakbo ang ekonomiya, at iba pa.
Sa ngayon na hindi pa narerebisa ang mga pamantayan, maganda na tayo mismong mga botante, bigyan natin ng atensyon ang edukasyon ng mga kandidato. Pumili tayo ng taong akma sa trabahong gagampanan nila.
Pamilya
Importante na makita natin ang pagkatao ng isang kandidato batay sa kung anong klaseng pamilya ang meron siya. Bakit ito mahalaga? May inklinasyon ang mga tao na maging katulad ng mga taong madalas nilang nakakasalamuha. Kaya magandang batayan ng pagkatao ang pamilya at mga kaibigan na nakapaligid sa isang tao.
Isa pa, ang mga Pilipino ay nagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa pamilya, lalo na sa mga nakatatanda. Nagsisilbing ehemplo ng mga bata ang mga nakatatanda habang sila ay lumalaki. Kaya ating tignan kung sinu-sino ang mga nakatatanda sa pamilya ng ating pipiliing kandidato. Anong klaseng mga tao sila? Ano ang nagawa nila para sa kanilang pamilya? Ano ang nagawa nila para sa kanilang mga mamamayan? Ano ang mga nagawa nila para sa bansa?
Maaari rin nating bagbasehan ang pamilyang itinaguyod ng isang kandidato. Tignan natin ang kanyang mga anak. Paano sila umasal sa publiko? Saan sila nakarating sa buhay? Paano nila tratuhin ang bawat miyembro ng kanilang pamilya?
Sa aking opinyon, dapat ay doon tayo sa kandidatong bahagi ng isang pamilyang disente at namumuhay ng marangal.
Political Dynasty
Maraming nagsasabing hindi dapat pigilan ang isang pamilya kung kagustuhan nilang magsilbi sa bayan. Naniniwala rin ako sa posisyon na iyon. Subalit ang kapakinabangan ng political dynasties ay hindi hihigit sa hindi magandang dulot nito.
Mula sa kawalan ng kompetisyon pagdating sa eleksyon, palakasan pagdating sa bidding at hiring ng mga empleyado, hanggang sa kawalan ng hustisya dahil sa kawalan ng balanse ng kapangyarihan sa isang lugar, isa ang political dynasty system sa mga lalong nagpapahirap sa buhay ng mga tao sa Pilipinas.
Hindi rin dapat tinuturing na negosyo ang pulitika. Sa pagkakaroon ng political dynasties, nagiging abot-kamay sa mga taong ito ang mga oportunidad para payamanin ang sarili at ang kanilang pamilya. Kahit pa sabihin nila na hindi nila layunin na magpayaman sa pwesto, hindi nakakahikayat na magtiwala sa sistema kung magkakamag-anak lang ang nagpapatakbo ng gobyerno. Hangga’t nandoon ang tinatawag na “conflict of interest”, sa aking opinyon, mahirap na pagkatiwalaan ang gobyerno.
Kung tutuusin nga, hindi talaga legal ang pagkakaroon ng political dynasties. Ayon sa Article II Section 26 ng 1987 Philippine Constitution, “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Paano nagiging posible ang political dynasties kung sinasabi mismo ng sarili nating konstitusyon na ito ay ilegal? Mahigit tatlumpung taon na bang binabastos ng mga pulitikong ito ang batas at karapatan nating mga Pilipino?
Doon dapat tayo sa mga kandidato na kontra sa pagkakaroon ng political dynasties, na kahit wala pa mang nagpapatupad ng batas, tahasan na nilang pinipigilan ang pamilya nila na sumali sa pulitika. Higit sa lahat, doon tayo sa mga kandidatong rumerespeto sa konstitusyon ng ating bansa, na pumoprotekta sa karapatan natin bilang mga Pilipino.
Mga Kaso Sa Korte, Ombudsman, BIR, atbp.
Ito ang isa sa mga hindi ko talaga maintindihan. Bakit tayo bumoboto ng mga taong may mga kaso sa korte? sa Ombudsman? sa BIR? Naiintindihan ko na pwede nating sabihin na hindi pa naman sila convicted, at pagdating sa batas, palaging “innocent until proven guilty.” Pero pagdating sa mga kandidato na may tumpok-tumpok na ebidensya na laban sa kanila, meron pa ngang mga kapani-paniwalang mga testigo na kasabwat sila, bakit binoboto pa rin natin sila? Hindi ba dapat na pinamumunuan tayo ng mga taong rumerespeto sa mga karapatan natin bilang tao at Pilipino? Hindi ba dapat na tayo ang pinagsisilbihan nila at hindi ang kanilang pansariling interes?
Siguro naman naging aplikante ka minsan sa buhay mo. Ikaw bilang naghahanap ng trabaho, alam mo na bago ka makapasok sa isang trabaho, mapa-white collar o blue collar man yan, palaging hinihingi ang NBI Clearance at Police Clearance mo para masigurong hindi ka nasangkot sa anumang krimen. Minsan nga pati Barangay Clearance hinihingi pa. Ikaw naman, susunod ka na lang kahit alam mong wala ka namang ginagawang masama. Pero bakit kapag pulitiko, ayos lang na tumakbo ang mandarambong? Bakit ayos lang ang mangnanakaw? Bakit ayos lang ang kriminal? Bakit hindi natin gamitin ang parehong pamantayan sa mga gustong tumakbo? Basta may bahid ng krimen sa NBI Clearance nila, hindi na dapat maaaring tumakbo.
Madaling sabihin na, “pulitiko yan, malamang nangungurakot yan.” Naiintindihan ko ang pag-iisip ng mga taong nagsasabi ng ganyan. Pero kailangan natin maintindihan na hangga’t walang kaso o walang napapatunayan, ang linyang iyon ay haka-haka lamang. Sa mga kandidatong alam naman ng lahat na may kaso, may kumpol-kumpol na ebidensya laban sa kanila, at alam naman ng lahat na abusado sa kapangyarihan, bakit sila paulit-ulit na binoboto?
Bakit hindi natin subukang bumoto ng kandidatong napatunayan na sumusunod sa batas alinsunod sa mga audit na ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno? Ang mga auditor na ito ay piniling ialay ang oras at lakas nila upang bigyan ang taongbayan ng mata sa loob ng gobyerno, para masiguro na patas at malinis ang mga takbo ng bawat ahensya ng gobyerno. Siguro ay hindi nila nakikita lahat. Pero anumang nakikita at nirereport nila ay mahalaga. Pahalagahan natin ang kanilang trabaho at pag-aralan natin ang mga impormasyon na nakolekta nila.
Kailangang tayo mismo ang pumili ng tama. Iwasan natin ang mga kandidatong nasangkot sa mga krimen. Iwasan natin ang mga kandidatong tumatakbo sa responsibilidad, mapa-buwis man yan o ano pa man. Iwasan natin ang mga kandidatong may kaso sa mga ahensya ng gobyerno. Iboto natin ang mga may pinakamalinis na record sa kanilang lahat.
Kung susumahin, simple lang naman ang kailangan nating gawin. Pumili tayo ng mga kandidatong kwalipikado na may prinsipyo at integridad.
Ang prinsipyo ay ang mga bagay na pinaniniwalaan ng isang tao na nagdidikta ng kanyang pagkatao at mga magiging aksyon depende sa sitwasyon, habang ang integridad ay kung ano ang isang tao kapag walang nakakakita ng kanyang mga ginagawa. Doon tayo sa naniniwalang dapat ibalik sa mga tao ang kakayahan nilang umunlad at umahon sa pagkakalugmok. Doon tayo sa naniniwala na ang hustisya ay hindi lamang para sa mga mayayaman. Doon tayo sa may kagustuhan talagang tumulong sa ibang tao. Huwag tayong pumili ng tao na parang utang na loob pa natin na pinansin niya tayo. Doon din tayo sa handa sa anumang sakuna at handang tumulong sa lalong madaling panahon. Huwag tayo doon sa maraming dahilan kung bakit hindi siya sumipot o bakit hindi siya makakatulong. Obserbahan natin kung paano sila umasta sa iba’t-ibang sitwasyon. Tignan natin kung sino ang mga tao sa paligid nila. Unawain nating mabuti ang mga nakikita at naririnig natin sa radyo, telebisyon, pahayagan, at sa internet. Huwag tayong padadala sa mga sabi-sabi at haka-haka. Maraming research papers, history books, at iba’t-iba pang materyal na pwede nating basahin. Siguraduhin natin na ayon sa katotohanan ang mga impormasyon na gagamitin natin sa pagpili, at nawa’y maibalik natin ang prinsipyo at integridad sa pamumuno ng bansang ito.
Masyadong maraming nakataya sa paparating na eleksyon. Gawin natin ang ating makakaya para mailuklok ang mga nararapat na magsilbi.